Lunes, Setyembre 15, 2025

Di ko matiis na di lumahok

DI KO MATIIS NA DI LUMAHOK

di ko matiis na di lumahok
sa rali laban sa mga hayok 
bayan ay talagang inilugmok
ng mga kuhila't trapong bugok

hahayaan ba nating mandambong
pa ang mga tiwali't nanggunggong
sa bayan, aba'y dapat makulong
silang mga ganid at ulupong

ninakaw ay di lang simpleng pera
kundi higit ay buhay ng masa
kumilos na kontra dinastiya,
tusong burgesya't oligarkiya

pag nabigyan ng pagkakataon
ng kasaysayan, tayo'y naroon
sistemang matino'y ating layon
at paglilingkod sa masa'y misyon

ang sistemang bulok na'y palitan
ng sadyang nagsisilbi sa bayan
itayo'y makataong lipunan,
patas, parehas, makatarungan 

- gregoriovbituinjr.
09.15.2025

Daang tuwid at prinsipyado

DAANG TUWID AT PRINSIPYADO

kahit pa ako'y maghirap man
mananatilng prinsipyado
nakikipagkapwa sa tanan
tuwina'y nagpapakatao

naglalakad pag walang pera
nang masang api'y makausap
patuloy na nakikibaka
upang matupad ang pangarap

na lipunang pantay, di bulok
pagkat sadyang di mapalagay
laban sa tuso't trapong bugok
kumikilos nang walang humpay

daang tuwid ang tatahakin
ng mga paang matatatag
matinong bansa'y lilikhain
lansangang bako'y pinapatag

- gregoriovbituinjr.
09.15.2025

Sa ngalan ng tulâ

SA NGALAN NG TULA

sa ngalan ng tulâ, / dangal ko't layunin
kumatha't kumathâ, / tula'y bibigkasin
marangal na atas / ng diwa't damdamin
para sa daigdig, / masa't bayan natin

sa ngalan ng tulâ, / balita't nanilay
sa maraming isyu / ng dalitang tunay
ay dapat ilantad, / bawat tula'y alay
sa bayan sapagkat / tula'y aking tulay

sa ngalan ng tulâ, / hangad kong lipunan
ay patas, parehas / at makatarungan
bulok na sistema'y / tuluyang palitan
hanggang makataong / lipuna'y makamtan

sa ngalan ng tulâ, / makatulong sadyâ
nang hustisya'y kamtin / ng bayan, ng madlâ
at mapanagot na / ang mga kuhilà,
tiwali't gahaman / sa kaban ng bansâ

- gregoriovbituinjr.
09.15.2025