Sabado, Hunyo 7, 2025

Usapang keso

Usapang keso

Makasarap ba ang keso?
Sino kanyang binebeso?
Makamasa bang totoo?
O masa'y nagoyo nito?

O baka sara-sarado?
Kasintunog ng Senado?
Sinara ng hepe nito
Ang pinagbilhan ng keso?

O BugBog Man ay Sarado?
Pagkat natunaw ang keso?
Gayong may heart naman ito
Walang puso ba, ikamo?

Paumanhin sa tanong ko
Pagkat bansa'y nagugulo
Makasara daw sa pwesto
Makasarap na raw dito

Marahil duwag ang ulo
Pinuno pa naman ito
Urong bayag, O, bayan ko
Anong gagawin ng tao?

Ah, pababain sa pwesto
Ang di na lingkod ng tao
Na naging ganid sa keso
Este, suwapang sa pwesto

- gbj
06.07.2025

Libreng libing, sana libreng pagpapaospital din

LIBRENG LIBING, SANA LIBRENG PAGPAPAOSPITAL DIN

parang pampalubag loob na lang sa masa
sa ilalim ng kapitalistang sistema
iyang libreng libing para sa mahihirap
na aprub na raw sa Senado, anang ulat

kung kaya naman pala ang libreng libing
para sa mahihirap ay baka kaya rin
nilang magpasa ng batas na para naman
sa libreng paospital ng dukhang maysakit

kung dukha'y may libreng libing kapag namatay
sana dukhang maysakit ay libreng mabuhay
subalit sa ilalim ng lipunang ito
lahat pinagkakakitaan ng negosyo

pati na ang karapatan sa kalusugan
ay di na karapatan, dapat mong bayaran
at dapat pa'y kwalipikado kang mahirap
para sa Indigent Funeral Package nila

sino kayang mahirap ang kwalipikado?
yaong buto't balat na't payat na totoo?
yaon bang walang kayod, walang sinusweldo?
na sa barungbarong lang nakatira ito?

bagamat may batas na Cheaper Medicine Act
murang gamot imbes libreng gamot sa dukha
may Free Indigent Hospitalization Act ba?
libreng pagpapaospital na gagaling sila?

walang libre sa kapitalistang sistema
dapat sa karapatan mo sila'y kumita
dapat sa ganitong sistema'y palitan na
at maralita'y magrebolusyon talaga

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 3, 2025, pahina 2

Ang nektar pala'y lagdó

ANG NEKTAR PALA'Y LAGDÓ

ang nektar pala'y lagdó sa sariling wika
mula raw sa Waray ang nasabing salita
na sa bulaklak ay matamis na likido
na mga bubuyog ang nagtipong totoo

upang gawing pulot-pukyutang anong tamis
upang lumakas tayo't gumanda ng kutis
kaygandang ambag ng Waray sa panitikan
at sa sariling wika nitong sambayanan 

halina't simulan nang gamitin sa katha
lalo na sa pagsulat ng tula, pabula,
sa kwento, dagli't sanaysay ay pagyamanin
sa pagtaguyod ng sariling wika natin

ang bubuyog ay palipat-lipat ng rosas
upang lagdó roon ay subukang makatas
at ito'y tinitipon upang gawing pulot
na sa kalusugan nati'y kaygandang dulot

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* mula sa AlpabeTuklas! ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Ibang pagkatao'y huwag hanapin sa akin

IBANG PAGKATAO'Y HUWAG HANAPIN SA AKIN

pag inisip mong maging negosyante ako
o ang maging kapitalista sa obrero 
o sa isang kumpanya ay maging C.E.O
ay baka ibang tao ang hinahanap mo

pag hiniling mong lagi akong nakabarong
o nakapolo, o mukhang disente roon
pumuti pa't kuminis ang balat ko ngayon
ay baka ibang tao ang hanap mong iyon

mapapalitan ko ba ang anyo't sarili
dahil iyon ang kanilang gusto't sinabi
baka ibang tao ang hanap nila dini
kung sino ako ay di ko maiwawaksi

tunay namang bawat isa'y dapat umunlad
subalit kapitalista'y di ko katulad
pag nagnegosyo ba'y tanda na ng pag-unlad?
habang karapata'y niyurakan nang lantad?

ibang tao'y huwag mong hanapin sa akin
di ko mababago ang katauhang angkin
kung ibang pagkatao'y aking gagayahin
aba'y di ako iyon ang dapat isipin

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* CEO - Chief Executive Officer

Katapatan

KATAPATAN

katapatan sa rebolusyon at pag-ibig
panata iyan ng makatang tumitindig
sa prinsipyong patas, sa dukha'y kapitbisig 
kahit pa siya'y isang tuka, sampung kahig

tapat ang makatâ sa larangang pinasok
rebolusyon man o pag-aasawa'y tumbok
makata'y tapat kahit kanyang ikalugmok
nakikipaghamok ma't laksa ang pagsubok

abang makata'y aayaw magsalawahan
sumandali nating hibik niya'y pakinggan:
"iyan na ang buhay ko hanggang kamatayan"
"makata'y kikilos ng buong katapatan"

ganyan natin tingnan ang buhay ng makatâ 
ganyan hahangaan ng nagbabasang madlâ
katapatan niyang di maipagkailâ
lalo't sa bandila't altar siya'y sumumpâ

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* litratong kuha sa isang pagpupulong ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba) ilang taon na ang nakararaan