Sabado, Oktubre 18, 2025

Plakard

PLAKARD

malinaw ang mensahe sa plakard
upang maipatagos sa masa
ang samutsaring isyu ng bayan
kung bakit tayo nakikibaka

dyenosidyo na'y dapat itigil
kayraming buhay na ang napaslang
kayâ pananakop ng Israel
sa Palestine ay dapat labanan

ang pagmimina'y nakasisirà
sa kalikasan at katutubò
kapag mali ang pamamahalà
totoong serbisyo'y naglalahò

sana'y unawa ng makatunghay
sa plakard ang naroong mensahe
kung sa isyu ay nakasubaybay
baka di na mabilang ang rali

taospusò kong pasasalamat
sa mga kasamang inihandog
ang buhay, panahon, diwa, lahat
para sa adhikaing kaytayog

- gregoriovbituinjr.
10.18.2025

* salamat sa kumuha ng litrato

May mga umagang ganito

MAY MGA UMAGANG GANITO

I
tumunog ang alarm clock sa selpon
alas-sais na, ako'y bumangon
naligo, naghilod, walang sabon
sa labas ng bahay, umaambon

II
nasa kama pa't nakagupiling
dinantay ang kamay sa kasiping
wala na pala, ako'y nagising 
ngunit dama kong sinta'y kapiling

III
paggising, ramdam ko'y pagkapagal
ng buong katawan, hinihingal
sa panaginip, tinakbo'y obal
at muli, kumot ay binalabal

IV
kagabi, may bahaw akong tira
isinangag ko ngayong umaga
walang bawang subalit pwede na
busog na rin saanman pumunta

V
pinagtiyagaan ko ang tutong
habang ulam ko'y pritong galunggong
may kamatis sa pinggang malukong
at siling pasiti sa bagoong

VI
mag-uunat-unat ng katawan
at lalamnan ng tubig ang tiyan
bitamina'y di kalilimutan
bago makirali sa lansangan

VII
nagising na mataas ang lagnat
lunas ay agad kong inilapat
naligo, uminom ng salabat
baka mikrobyo'y mawalang lahat

- gregoriovbituinjr.
10.18.2025

Plan, Plane, Planet

PLAN, PLANE, PLANET

gaano man kapayak ang plano
upang mabuhay sa bayang ito
ang mamamayan mang ordinaryo
mahalaga'y nagpapakatao

hindi pinagsasamantalahan
hindi inaapi ng sinuman
dangal ay hindi niyuyurakan
dignidad niya'y iniingatan

tulad ng pag-ingat sa daigdig
na binunga ng laksang pag-ibig
sinisira ng mga ligalig
mga dukha'y winalan ng tinig

habang kayrami ng nauulol
sa pondo't proyekto ng flood control
ngayon, ang bayan na'y tumututol
at protesta ang kanilang hatol

sa gobyerno, laksa'y mandarambong
na lingkod bayang dapat makulong
halina't tayo'y magtulong-tulong
at tiyaking may ulong gugulong

karimlan man ay laging pusikit
dapat madama nila ang galit
ng bayang kanilang ginigipit
sa madalas nilang pangungupit

sa kaban ng bayan, ay, salbahe
ang mga trapong kung dumiskarte
ay di ang maglingkod o magsilbi
kundi sa masa'y makapang-api

- gregoriovbituinjr.
10.18.2025