Lunes, Hunyo 16, 2025

Kay Libay, mula sa Kamalaysayan

KAY LIBAY, MULA SA KAMALAYSAYAN

naging bahagi rin si Libay ng Kamalaysayan
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
bilang treasurer habang ako'y sekretaryo naman
noon pa, bago pa kami ikasal nang tuluyan

namayapang ama'y historyador at kaya siya
ay nag-training sa NCCA para sa historya
o kasaysayan ng sariling pamayanan nila
sa Mountain Province, isulat ang kanilang kultura

habang sa akin ay Katipunan at Bonifacio
ang mga sulating makasaysayan ng Supremo
mga akda ni Gat Andres at Emilio Jacinto
pati Kartilya ng Katipunan ay sinaulo

pinapangarap naming ang bayan ay may liberty
mula sa mga pagsasamantala't pang-aapi
ngunit wala na, wala na ang aming si Liberty
alay ay dasal "From Your Kamalaysayan Family"

- gregoriovbituinjr.
06.16.2025

* ang litrato ay kuha mula sa ibinigay ni kasamang Dado Sta. Ana kay Greg sa panahon ng pagdadalamhati
* NCCA - National Commission on Culture and the Arts

Unang madaling araw ng lamay

UNANG MADALING ARAW NG LAMAY

ay, kagabi nga'y madali akong nahimbing
sa upuan, madali rin akong nagising
ng madaling araw, ang iba'y tulog na rin
nagutom kaya bumangon ako't kumain

nais kong pumikit ay di na makatulog
nahiga lang sa bangkô, buti't di nahulog
kundi'y lagapak ka't ang ulo'y mauuntog
sa sahig, habang nangangarap ng kaytayog

kayraming nagmamahal kay Libay, dumalaw
kagabi, kaya tulog ko'y sadyang kaybabaw
nalimutan ko pa ang jacket ko't kayginaw
ay, ang higaan ng mahal ko'y tinatanaw

ako'y naluluha, bakit nangyari ito?
kanina'y buhay, ngayon, wala nang totoo

- gregoriovbituinjr.
06.16.2025