Miyerkules, Mayo 12, 2010

Sa Mga Nanalong Kawatan

SA MGA NANALONG KAWATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ang mga kawatan ay nagbabalikan
nagtagumpay kasing muli sa halalan
nagpasa ng evat, muli'y may upuan
natalong senador, senador na naman

pati pinatalsik sa edsa'y nariyan
muling nakabalik sa kapangyarihan
muling bibilugin ang ulo ng bayan
muling magnanakaw sa kaban ng yaman

mga sinumpang bwitre'y naghahalakhakan
walang kabusugang bwaya'y nagbalikan
mga nanalong trapo'y naglalaklakan
habang talo'y nanggagalaiti naman

sadyang wala pa ring napaparusahan
sa mga kawatan sa pamahalaan
ang ginawa nila'y agad nalimutan
tanong ko lang: Pinoy nga ba'y sadyang ganyan?

Matagal Nang Bulok

MATAGAL NANG BULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matagal nang bulok di pa matapon-tapon
ang sistemang itong wala nang kahulugan
bulok ngunit sa hukay di pa maibaon
umaalingasaw pa ang baho sa bayan

matagal nang bulok masdan mo't inuuod
ang sistemang itong sadyang nakakasuka
tila pamahalaan ay walang gulugod
pagkat binahayan ng mga elitista

matagal nang bulok kaya dapat ilibing
ang sistemang dahilan ng hirap at luha
lipunan ito ng mga pinunong praning
na nagkait sa bayan ng munting ginhawa

palitan na ang lipunang bahid ng bulok
upang sa iba'y di na ito makahawa
ating palitan ang kapitalismong hayok
at itayo na ang lipunang manggagawa