tanong ng anak, "Bakit po / nila pinatay si Itay?"
nang makitang ama niya'y / duguang nakahandusay
gayong kanina'y tahimik / lamang itong nagninilay
nang may pumasok sa bahay / at ama niya'y binistay
may hikbing tugon ng ina, / "Di ko alam, di ko alam
iyan na ba'y katarungan, / wala silang pakialam
dapat ay nilitis muna / kung sadyang may kasalanan
nang maipagtanggol naman / ang sarili sa hukuman"
"Ano po bang kahulugan / ng katarungan, O, Inay?
kung si Itay hinusgahan / na lang ng kung sinong kamay?"
"Ama mo'y may karapatang / magtanggol at magsalaysay
kung may nagawa ngang sala / ay ipagsakdal kung tunay."
"Dapat dumaan sa tamang / proseso, anak, due process
may dudulugan kang batas, / dadaan sa paglilitis
at di agad parusahan / ng kung sinumang herodes
sa hukuman ang pasiya," / anang inang tumatangis.
"Ngunit ang nangyari, anak, / basta lang siya binaril
extrajudicial killing daw, / isang klaseng paniniil."
"Inay, hustisya kay Itay," / tinig niya'y gumagaril
"Parusahan ang pumatay / at nag-utos ng pagkitil."
- gregbituinjr.