Lunes, Abril 14, 2025

Panibagong laban

PANIBAGONG LABAN

tila ako nasa apoy
na nadadarang sa init
ngunit di dahong naluoy
sa suliraning kaylupit

ito'y panibagong laban
nang si misis ko'y gumaling
problemang dapat lagpasan
na sana'y aming kayanin

matagalang laban ito
dapat may lakas ng loob
anuma'y gawing totoo
at pagsikapang marubdob

habang nasa ospital pa 
alagaan siyang sukat
planuhin paglabas niya
ito ang nadadalumat

- gregoriovbituinjr.
04.14.2025

Paglipat ng silid

PAGLIPAT NG SILID

kagabi ay inilipat siya ng silid
na magmula sa NeuroCritical Care Unit 
ay ibinaba na sa Progressive Care Unit
habang sa pisngi ko'y may luhang nangingilid

mula sa third floor, ngayon ay nasa basement na
maaari na akong magbantay sa kanya
dito ako mula gabi hanggang umaga
at sa mga susunod na gabi't araw pa

kanina, inexray siya't dugo'y kinuha
pati physical therapist tinesting siya
ineehersisyo ang kamay niya't paa
kwarto'y maluwag, natulog ako sa sopa

ang nadala ko lamang ay dalawang aklat
at maliit na kwaderno sa pagsusulat
habang nagbabantay, gamitin ko ang oras
upang kumatha kahit di dala ang laptop

- gregoriovbituinjr.
04.14.2025