Biyernes, Pebrero 25, 2022

EDSA 36

SA ANIBERSARYO NG EDSA PEOPLE POWER

anibersaryo ngayon ng pagbagsak ng rehimen
ng tinuring na diktador sa kasaysayan natin
at kanina'y nagtungo sa People Power Monument
kami ni misis nang kasaysayang iyon ay damhin

di ako lumiliban sa makasaysayang araw
pagkat nakasama ako ni tatay noong araw
kasama'y mga katropa niya isang tag-araw
ng Pebrero upang sa nagtitipon ay dumalaw

namigay kami ng mga pagkain sa nagtipon
mga karaniwang taong nagpuntang EDSA noon
kinaharap ang mga sundalo, baril at kanyon
upang mapatalsik ang diktador na panginoon

masang nagkatipon noon sa EDSA'y nakiisa
kabilang kami't ang mga kaibigan ni Ama
napatalsik ang diktador nang mag-alsa ang masa
tila nakamit na nga ang asam na demokrasya

wala namang pinangako ang EDSA, ang alam ko
kundi mapatalsik si Marcos ang gusto ng tao
nanawagan ang Kardinal at naging ispontanyo
binatilyo na ako noon, di pa bumoboto

pag-aalsang EDSA'y malaking tagumpay ng bayan
nang magkaisa't magkapitbisig ang sambayanan
at kasama ko si Dad sa petsang makasaysayan
kaya araw na ito sa aki'y makahulugan

- gregoriovbituinjr.
02.25.2022

Sa aklat ng kasaysayan

SA AKLAT NG KASAYSAYAN

nakaukit na sa kasaysayan
ang di naman sikat na pangalan
manggagawang kauna-unahang
tumatakbo sa pampanguluhan

magaling, matalas, mapanuri
tinahak niya'y landas ng uri
nilalabanan ang naghahari
kasangga ng dukha't naaglahi

matatag ang prinsipyo sa masa:
labanan ang pagsasamantala
baguhin ang bulok na sistema
ikalat ang diwang sosyalista

na may respeto sa karapatan
adhika'y hustisyang panlipunan
para sa lahat, di sa iilan
kaya pangalan niya'y tandaan

kinakatawan niya'y paggawa,
babae, pesante, dukha, madla
Leody de Guzman, manggagawa
at magiging pangulo ng bansa

- gregoriovbituinjr.
02.25.2022

Bawal

BAWAL

ah, kayraming bawal sa tindahan
bawal ang tambay, bawal ang utang
malinaw ang pinatutungkulan
sinuman sa ating kababayan

ibig lang sabihin, magbayad ka
huwag bumili kung walang pera
tindahan ay di tambayan, di ba?
kahit pa maganda ang tindera

kayraming bawal dahil daw bisnes
nang kamalasan daw ay maalis
anumang di swerte'y winawalis
sa ganyang punto, sila'y mabilis

kung pagtambay lang ang inaasal
kung uutang na tinda'y matumal
ay aalis na lang kasi bawal
di makautang ng pang-almusal

- gregoriovbituinjr.
02.25.2022