kung tinuruan kang lumangoy, dapat mong manilay
na makakalangoy ka't makalulutang ding tunay
upang di malunod at makasagip din ng buhay
ito'y kaygandang kaalamang dapat mong mataglay
kung tinuruan kang bumaril, dapat mong isipin
na payapang komunidad ay ganap mong tungkulin
di upang walang awa kang papatay ng salarin
kundi igalang ang proseso't pigilan ang krimen
kung tinuruan kang bumili, pumili ng wasto
may kalidad ang produkto, katamtaman ang presyo
kayang magbilang ng sukli hanggang huling sentimo
di bibilhin ang di kailangan, kahit pa uso
kung tinuruan kang tumula, iyong isadiwa
na di ito pulos panaginip at pagtunganga
na di ito pawang bituin, bulaklak, diwata
kundi ito'y paglagot din sa gintong tanikala
kung tinuro'y karapatan, dapat kang manindigan
ipabatid din sa kapwa nang ito'y ipaglaban
tiyaking umiiral ang makataong lipunan
at bayang walang pagsasamantala't kaapihan
inhustisya't karahasan ay dapat lang masugpo
lagi ka ring makikipagkapwa't magpakatino
kung natuto ka man sa mga guro mong nagturo
ito'y ibahagi mo sa kapwa't huwag itago
- gregbituinjr.
05.21.2020
Miyerkules, Mayo 20, 2020
Pagkilos tungo sa lipunang pangako
mula sa hirap, kapatid na dukha'y mahahango
kung kikilos upang bulok na sistema'y maglaho
kung baligtarin ang tatsulok ng tuso't hunyango
at makikibaka para sa lipunang pangako
noon nga'y sinabing lupang pangako ang Mindanaw
malawak na lupaing sa kaunlaran ay uhaw
ngayon, lipunang pangako'y sosyalismo, malinaw
na may pagkapantay-pantay sa ilalim ng araw
kalagayang pantay, walang mayaman o mahirap
sama-sama nating buuin ang bunying pangarap
karapatan ay bukambibig, tao'y may paglingap
pakikipagkapwa ng bawat isa'y nalalasap
ating ipaglaban ang marangal na adhikain
na asam na lipunang pangako'y itayo natin
lipunang walang pagsasamantala't aapihin
lipunang di lang sa isip kundi ating gagawin
- gregbituinjr.
Tulang handog sa KPML
O, Kongreso ng Pagkakaisa
ng Maralitang Lungsod, tayo na
baguhin ang bulok na sistema
itayo ang gobyerno ng masa
marangal ang ating adhikain
para sa bayan at kapwa natin
halina't isapuso't diwa rin
ang ating bisyon, misyon, hangarin
maghigpit man kami ng sinturon
sama-samang magrerebolusyon
bulok na sistema'y ibabaon
na natin sa hukay ng kahapon
pagkaisahin ang maralita
at pagbuklurin ang kapwa dukha
kasama ng uring manggagawa
itayo ang lipunang dakila
- gregbituinjr.
05.20.2020
* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 20.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)