Huwebes, Pebrero 6, 2014

Ka Popoy

KA POPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Be worthy of the leader who trained you." ~ Trotsky's eulogy to Lenin (Maraming salamat kay kasamang Mike sa pagbahagi ng quotation na ito.)

mapagpalaya ang naiwan niyang mga akda
na pamana sa ngayong mga dukha't manggagawa
sinuri ang lipunang sa masa'y kumakawawa
na sa kapitalismo, obrero'y di pinagpala

magiting siyang lider na nakaharap sa digma
na ang mga pagsusuri'y sadyang lapat sa lupa
may birtud ang panitik, talumpati't mga gawa
laging kausap ang unyon at mga manggagawa

inorganisa niya ang hukbong mapagpalaya
kasama ang mga lider ng unyon ng paggawa
Bukluran ng Manggagawang Pilipino'y sumigla
nanguna sa lansangan, sosyalismo'y binandila

pinaslang siya, bumagsak ang katawan sa lupa
ngunit ang diwa ng rebolusyon ay di nawala
tulad nina Marx, Lenin, at iba pang namayapa
wala na siya, naroon na sa puso ng madla

Pagdatal sa Bundok Apo

PAGDATAL SA BUNDOK APO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakatitig ako sa anyo ng sandaigdigan
habang iniluluha ang danas na kasawian
habang dinarama yaong natamong kabiguan
iyan ang daigdig, puno ng kabalintunaan

bundok na iyon ay kaytagal din naming inakyat
upang matupad na ang inaasahang pangarap
umulan, umaraw, nilandas ang putik, ang lahat
tangan na namin ang tinitingalang alapaap

kaysarap pagmasdan ang mga bituin sa gabi
habang kinukuha sa puno ang tinipong basi
may lumilitaw daw doong diwatang lakambini
na may magandang tugon sa palad mo't nangyayari

tangi kong armas doon ang pitong bolpen at papel
na bawat katha'y babasahin ko sa mga anghel
may ibong nakaisip lagyan ng bato ang pitsel
may mananahi ng salitang talagang kaytabil

yaon ang pinakamataas na bundok sa bansa
na nais akyatin ng mga dumanas ng baha
doon bagong pamayana'y nais nilang makatha
pamayanang walang iringan, may ligaya't tuwa

ilang araw pa ang lilipas, kami'y bababa rin
putik, kadawagan, yungib, ay muling tatahakin
pagkat pawang prutas na lang ang doo'y kinakain
tunay iyong paraisong kaysarap gunitain