MAGKAIBANG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
tulad ng agilang lumilipad sa papawirin
na naghahanap ng masisila at dadagitin
kapara niya'y burgesyang naghahangad mang-angkin
ng pagtutubuan, gaya ng makina’t lupain
naroon sa laot ang tulad nating mga isda
na nais dagitin ng mga agilang kuhila
tulad niya'y burgesyang sa tubo'y napakasiba
dadagitin tayo hanggang bukas nati'y mawala
mga agilang mananagpang ay nais maghari
pagkat nasa taas akala'y may basbas ng pari
nasa ibaba'y aapihin, sila'y walang budhi
gayong ang ibon at isda'y magkaiba ng uri
di ba't agila't isda'y magkaiba ng daigdig
at sa sarili lang nilang uri sila sasandig
alam ba ng agilang lumangoy, isda'y madaig
alam ba ng isdang lumipad, agila'y malupig
gayon din, iba ang kapitalista't manggagawa
mabubuhay ang mundo kapitalista ma'y wala
at di uusad ang mundo pag walang manggagawa
upang matapos ang digma, isa'y dapat mawala
palayain ang mga nagpapatulo ng pawis
at durugin ang nangabundat sa mais at langis
manggagawa'y di dapat madurog na tila ipis
ng burgesyang ang pagkahayok ay walang kaparis