Biyernes, Setyembre 21, 2012

Pagtuturo sa Iba ng Lakas ng Bayan

PAGTUTURO SA IBA NG LAKAS NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I

"People Power" ay kinilala ng marami
nang ibinagsak ng Pinoy ang diktadura
sa diktador ang bayan na'y nanggalaiti
kaya buong sambayanan ang nagkaisa

makasaysayan itong "People Power" natin
kinikilalang rebolusyong di madugo
ibinagsak yaong mapang-aping rehimen
nang pagsasamantala'y tuluyang maglaho

II

inspirasyong sa marami'y nagbigay-sigla
at dapat nating ituro sa ibang bansa

i-eksport natin ang "People Power" na ito
para sa pagpapalaya ng masa dito

ituro sa iba itong lakas ng bayan
saanmang panig na wala pang kalayaan

kung maari'y sumama tayo sa kanila
at tumulong sa kanilang pakikibaka

tulad ni Che Guevara, tayo'y makilahok
palayain ang mga bayang nakalugmok

masa'y pakilusin hanggang sila'y lumaya
sa kuko ng ganid na sistemang kuhila

Setyembre 21: Batas Militar at Kapayapaan

SETYEMBRE 21: BATAS MILITAR AT KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(para sa ika-40 anibersaryo ng batas militar sa Pilipinas, at ika-30 anibersaryo ng International Day of Peace)

ang Setyembre Bente Uno'y makasaysayan
sadyang kayrami na nitong pinagdaanan
martial law, apatnapung taon ang nagdaan
daigdigang araw din ng kapayapaan

sadyang kayraming natutulirong anino
bumabagabag sa kalooban ng tao
diktadurya'y yumanig sa puso ni lolo
at kayrami niya noon sa aking kwento

mag-ingat at huwag basta magsasalita
baka gobyerno'y magalit ikaw'y mawala
paglaki ko, kayrami ngang nawalang mukha
na nagbigay-takot sa puso nitong madla

sa buong mundo'y may bago nang kaganapan
Nagkakaisang Bansa'y pinasinayaan
Setyembre Bente Uno na'y kapayapaan
na kinikilala na ng sandaigdigan

iisang petsa'y may historyang nakatago
dinarang sa apoy bago pa naging ginto
unang petsa'y ligalig, may bahid ng dugo
sunod ay payapa, sa pag-ibig hinango

- sinulat sa tanggapan ng mga migranteng manggagawa sa Mae Sot

Sa ika-40 anibersaryo ng batas-militar

SA IKA-40 ANIBERSARYO NG BATAS-MILITAR 
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

usapin ba ng karapatan o ekonomya
kung bakit batas-militar ay inaalala
ekonomya'y lumago kay Marcos, anang iba
kaya maganda raw ito't isang demokrasya

ngunit kayraming tutol sa ganyang panukala
sa batas-militar, kayraming taong nawala
diktadurya'y isang pamahalaang kuhila
kayraming pamilya ang talagang pinaluha

kaya sa ikaapatnapung anibersaryo
ng batas-militar, sa panahon ng berdugo
karapata'y wasak, kayraming sinakripisyo
kasaysayan nito'y madugo't di makatao

di na dapat maulit ang ganitong rehimen
di na dapat buhay ay basta na lang kikitlin
bagamat istorya nito'y dapat gunitain
kunin natin yaong aral at sa puso'y damhin

- Setyembre 21, 2012
sa tanggapan ng mga migranteng manggagawa sa Mae Sot

Gapiin ang Bundat na Lobo

GAPIIN ANG BUNDAT NA LOBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

migranteng obrero'y tinanggal sa trabaho
inalis ng walang dahilan o abiso
sila'y manggagawang kaybaba ng pagtrato
dahil ba dayuhan sila sa bansang ito?

manggagawa sila sa pabrika ng damit
nagtitiyaga silang mabuhay ng pilit
nang tinanggal sila, ang tanong nila'y bakit
karapatan nila'y bakit pinagkakait?

limpak na yaong tubo't bundat na ang lobo
nilalaro sa palad ang mga obrero
magkaisa lang ang mga obrerong ito
ang bundat na lobo'y kanilang matatalo

pag nabutas ang tiyan ng lobong gahaman
yaman kaya nito'y sa puwet maglabasan
magkaroon na kaya ng katiwasayan
tanaw na ba ng obrero ang katarungan

manggagawa silang walang gatas sa labi
kayang kuyugin ang kapitalistang imbi
pag sila na'y nagkaisa'y di magagapi
madudurog nila ang mapang-aping uri

- Setyembre 20, 2012, matapos kapanayamin ang dalawang manggagawang Burmes na natanggal sa trabaho, at tinutulungan ng isang organisasyon sa Mae Sot

Sa Kabukiran

SA KABUKIRAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tanaw ko ang hirap sa kabukirang yaon
tubo, mais, palay, kayraming tanim doon
kubo'y giray-giray, kay-init ng maghapon
manggagawang migrante ang mga naroon

tulad sa Pilipinas, kayraming mahirap
migranteng taga-Burma'y naroo't nag-usap
munting ginhawa lang yaong kanilang lasap
gayunman, naroon sila dahil nangarap

maghirap man sila roon sa bansang Thailand
iyon sa kanila'y pansamantala lamang
kumpara sa Burma, buhay doo'y maalwan
pagkat walang rehimeng kinatatakutan

kabukirang ito'y iiwan balang araw
pag paglaya ng Burma'y kanilang natanaw
nangangarap sila't sa laya'y nauuhaw
sisikat din sa kanila ang bagong araw

kaysarap ng hangin sa kabukirang yaon
kaytaba ng lupa sa pagrerebolusyon
balang araw, taga-Burma'y muling babangon
at itatayo ang isang payapang nasyon

- malapit ang bukirin sa Yaung Chi Oo Day Care Center, na may anim na kilometro ang layo sa tanggapan ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA), Setyembre 20, 2012, umaga

Mga Anak ng Migrante


MGA ANAK NG MIGRANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bata pa sila’t walang muwang sa daigdig
nakaaaliw pa ang tawa nila’t tinig
di pa nila danas ang sa bansa’y yumanig
ang pagyurak sa laya’t dugo ang dumilig

kanilang bansa’y tinarakan ng balaraw
diktadurya’y gumapos, sa laya’y lumusaw
mga batang ito kaya’y may matatanaw
na kinabukasang di sila maliligaw

habang nagtatrabaho ang mga magulang
mga bata’y pansamantalang iniiwan
sa Day Care Center upang mapangalagaan
ng dalawang guro, at sila’y maturuan

balang araw, may tatanghalin ding bayani
sa isa man sa mga anak ng migrante
na sa bansa nila’y tapat na magsisilbi
at lalabanan yaong diktaduryang imbi

bata pa sila’t walang muwang sa daigdig
habang bansa sa diktadurya’y nanginginig
nawa paglaki nila’y iba na ang himig
wala nang takot kundi laya ang marinig

- sa Yaung Chi Oo Day Care Center, mga anim na kilometro mula sa mismong tanggapan ng YCOWA, Setyembre 20, 2012

Pulong Tuwing Ikasiyam ng Umaga


PULONG TUWING IKASIYAM NG UMAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tuwing ikasiyam ng umaga'y may pulong
anong gagawin nila sa buong maghapon
naroon pa ba sila sa tamang direksyon
sa paraang ito'y walang naglilimayon

laging may pagtatasa't anong tinatakbo
lahat ba'y nakakasunod sa takdang plano
ang bawat isa'y palitan ng kuro-kuro
pag may suliranin inaayos ng husto

magandang patakaran, mabisang pinuno
magandang halimbawang ang kapara'y ginto
upang tinakdang layunin ay di gumuho
upang sa mga gawain ay di mabigo

- Setyembre 20, 2012, sa tanggapan ng Yaung Chi Oo