Sabado, Hunyo 14, 2025

Deliryo

DELIRYO

hinihibik pa rin niring puso
ang buhay ng sinta'y di naglaho
subalit ako na'y iginupo
ng nangyari't ako'y lugong-lugo

buong pagkatao'y lumuluha
ang aking sarili na'y nagiba
araw at gabi'y natutulala
sapagkat di makapaniwala

mahal, wala ka na bang talaga?
subalit kitang-kita ng mata
nang sa ospital nga'y wala ka na
ganoon kabilis, aking sinta

ako pa rin dito'y nanginginig
ang buong pagkaako'y nalupig
nawala ang tanging iniibig
ngunit di nawala ang pag-ibig

- gregoriovbituinjr.
06.14.2025

Ang Team Bituin

 

ANG TEAM BITUIN

paborito niya ang numero sais
lalo't birthday niya ay Enero Sais
ang akin naman ay numero nuwebe
na binatay doon sa numerology

kaya may pinatatakang t-shirt siya
habang sa akin naman ay kamiseta
at tinawag niya itong Team Bituin
dahil may teamwork kami pag may gagawin

halimbawa, magtuturo ng ecobrick
sa estudyante, pitong uri ng plastik
pinag-uusapan ang gawaing bahay
magluto, maglaba, paggamit ng wi-fi

sabi ng Team Bituin: "Walang iwanan"
sa pag-ibig man, kalikasan, tahanan
kahit nang siya'y naroon sa ospital
hanggang hininga niya'y doon napigtal

subalit Team Bituin ay di na buo
pagkat buhay ng kabiyak na'y naglaho
isa'y wala na, isa'y tigib ng lumbay
pagsinta'y tanging mananatiling buhay

- gregoriovbituinjr.
06.14.2025

Liberty, 41 pahina ng aklat

LIBERTY, 41 PAHINA NG AKLAT

apatnapu't isang pahina ng aklat
ang haba't ikli ng iyong talambuhay
apatnapu't isang taon ng pagtahak
sa daigdig, samahan, lansangan, tulay

anong sarap basahin ng iyong aklat
na bawat pahina'y may galak na taglay
sa isyung pangkapaligiran ay mulat
na bawat kilos ay batid mong kayhusay

daghang salamat, Libay, sa lahat-lahat
sa bawat pahina mong ligaya'y taglay
ayaw mong maraming basurang nagkalat
layunin mo sa mundo'y talagang lantay

kaybuti mo, wala akong maisumbat
sa pagkawala mo, tigib akong lumbay
mahal ko, taospusong pasasalamat
sa pag-ibig na pinagsaluhang tunay

- gregoriovbituinjr.
06.14.2025