Biyernes, Disyembre 20, 2013

Sa kampanaryo ng Parokyang St. Vincent Ferrer

SA KAMPANARYO NG PAROKYANG ST. VINCENT FERRER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kasama si Ka Rene na dati kong kakilala
ay umakyat kaming kampanaryo upang makita
ang paligid at sa taas ay tunay mong madarama
ang kalupitan ng bagyong tumama sa kanila

dahon ng puno'y naglaglagan, puno'y nagyukuan
wasak ang mga atip ng kayraming kabahayan
di dalumat ang lakas ng lumamon sa tahanan
kasamang nilamon pati na mga kababayan

habang pinagninilayan ang bawat namamasid
ay nagkukwento sila ng naganap sa paligid
madarama mo ang nangyari sa bawat kapatid
humihiwa sa puso ang di mo sukat mabatid

kampanaryong iyon ay saksi sa lupit ng unos
babangon sila sa kalagayang kalunos-lunos

* Si Ka Rene ay kasapi ng dating FOMCRES sa Taguig, na tinulungan ng Sanlakas noong panahon ni Erap. Siya pala ay tagaroon sa pinuntahan namin sa Tanauan, Leyte. Kwento niya, ang kanyang ina'y natagpuang nakasabit sa isang puno at wala nang buhay matapos ang pananalanta ng bagyong Yolanda. Kuha ang mga litrato noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte

Ang kura paroko ng St. Vincent Ferrer Parish na si Fr. Joel, ang makatang Greg na nasa gitna, at si Ka Rene na tagaroon sa Brgy. Canramos sa Tanauan, Leyte na lugar na aming pinuntahan.

Ang barkong sumampa sa kabukiran

ANG BARKONG SUMAMPA SA KABUKIRAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naroon sa isang bukid barko'y sumampa
di makapaniwala yaring mga mata
sakahan ng dukha'y dinaganang talaga
ako'y iling, ang nangyari'y walang kapara

may tahanan kayang nadaganan ng barko
kasumpa-sumpa nga ang nangyaring delubyo
anong lakas na sa bayang yao'y tumimo
na di madalumat ng karaniwang tao

lumusob sa kawalan ang tibok ng puso
pinupunit ang dibdib na sakdal siphayo
kayraming nilalang ang tuluyang naglaho
laksa ang sa delubyo'y tumigis na dugo

isang barko ang sumampa sa kabukiran
tila baga isang sumpa sa pamayanan
di matantong mangyayari sa mamamayan
ang Yolandang masakit na yugto sa tanan

* ang litrato'y kuha ng may-akda sa Tacloban, Disyembre 4, 2013 habang pabalik na sa Maynila ang People's Caravan

Bayanihan sa panahon ng kalamidad

BAYANIHAN SA PANAHON NG KALAMIDAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagbabayanihang ugaling Pinoy ang katulad
pagbabayanihang sa nagsitulong ay dignidad
pagbabayanihang pakikipagkapwa'y nalantad
pagbabayanihan sa panahon ng kalamidad

relief goods o ayudang kalamidad ay dinala
mula Caritas patungo sa mga nasalanta
malayo mang paglalakbay ay di alintana
basta't nasa puso'y makapagbigay ng ayuda

bawat isa sa pagpapasan ay nagtulong-tulong
upang ibaba ang tubig, bigas, at nasa karton
nagkakaisang tunay sa kabila ng daluyong
upang sa gayong panahon ay may pusong tumugon

mabuhay ang mga kababayang nagkakaisa
at nagtulong upang magbigay ng bagong pag-asa
pagbabayanihan ay sadyang tunay na pagsinta
pagkat nakikipagkapwa't iwing puso'y may saya


* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda