Martes, Mayo 17, 2016

Pangangailangan

Pananaw ng pobreng masa'y pumukaw sa kawalan
At nasa diwa ang adhika't pangangailangan
Nagpupunyagi ma'y dama pa rin ang kasalatan
Gawa ng gawa upang iwasan ang kagutuman
At nakikibaka upang mabago ang lipunan

Nagsisikap upang kamtin ang asam na ginhawa
Ginto ang layuning nais kamtin ng maralita
Adhikang kumilos upang sa lipunan lumaya
Igigiit ang layunin kaya dapat maghanda
Lipos man ng hirap, sakripisyo, dusa at luha

Apuyan ng poot lahat ng pagsasamantala
Nang magningas ang puso sa pagsisilbi sa masa
Gisingin ang diwa upang bayan ay magkaisa
Ating pag-ibayuhin ang adhikang sosyalista
Nang kamtin ang pagbabago ng bulok na sistema

- gregbituinjr

Nais kong sinta'y kapiling sa aking pagkamatay

NAIS KONG SINTA'Y KAPILING SA AKING PAGKAMATAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nais kong sinta'y kapiling sa aking pagkamatay
sa oras na iyon, dama ko ang ligayang tunay
kahit na ang iwi kong buhay ay tigib ng lumbay
payapa na yaring puso't mahinahong hihimlay
pagkat sinta'y nakapiling sa huli kong sandali
siyang tanging pithaya't ligaya kong muli't muli

Para lang akong piping bungo sa kawalan

PARA LANG AKONG PIPING BUNGO SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

para lang akong piping bungo sa kawalan
animo'y anino lang sa nililigawan
kaharap na'y wala pang lumabas sa bibig
tila sa lalamunan ko'y may nakabikig
paano kung ang makata'y walang masabi
sapat ba ang mga tula't mayroong silbi
makata'y di dapat mapanisan ng laway
o ang minumutya'y tuluyan nang mawalay
nais kong tumagay, magpakalangu-lango
bakit makata'y ganito't walang mahango
isinilang ba upang mabuhay sa lungkot
kaya sa nililiyag ay laging bantulot
ang makata'y palaboy sa mundo ng salat
balantukan man sa pag-asa'y di maawat