Linggo, Enero 30, 2022

Pagsisilbi

PAGSISILBI

"Serve the people", kasabihang tibak
noong kolehiyo'y nakahatak
din sa akin kaya napasabak
upang labanan ang mapangyurak

"Paglingkuran ang masa", anila
itayo'y makataong sistema
kaya patuloy na makibaka
at kamtin ang asam na hustisya

kaya tayo'y nagsisilbing tapat
sa bayan kaya sa lupa'y lapat
ang pangarap nating di man sapat
ay handang gawin anong marapat

para sa inaping mamamayan
para sa pinagsamantalahan
para sa obrero't kababayan
para sa dukhang nahihirapan

babaguhin ang sistemang bulok
patatalsikin ang trapong bugok
paglilingkod yaong naaarok
at dukha'y ilalagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
01.30.2022

isang hapon

ISANG HAPON

kalangitan ay kaylinaw
kita mong bughaw na bughaw
tila iyong natatanaw
ang kahalagahang litaw

may kabutihan ang tao
kahit pulos sakripisyo
na daanan man ng bagyo
di bibitaw sa prinsipyo

kayputi ng alapaap
tila ba dangal ay ganap
buhay man ay naghihirap
may kasama sa pangarap

marapat ay ating gawin
halina't tayo'y maghain
ng masarap na layunin
at bagong mundo'y buuin

di tayo dapat mabaon
sa mabigat na kahapon
dalhin nating mahinahon
ang nagniningas mang layon

- gregoriovbituinjr.
01.30.2022