Lunes, Pebrero 15, 2021

Mga buto ng okra

Mga buto ng okra

paborito ko na ang okra mula pagkabata
kaya madalas sa almusal ko'y di mawawala
isasapaw sa sinaing, kaysarap namang sadya
nang magkapandemya, okra'y itinanim ko na nga

kayraming nawalan ng trabaho, pandemya'y lagim
pinalayas sa inupahan, nadama'y panimdim
kaya pinag-ukulang pansin ko na ang magtanim
upang may mapitas sa kalagayang takipsilim

buto ng okra'y hiniwalay sa katawan niyon
nang pinatuyo ko'y lumiit, gayon pala iyon
sa mga boteng naipon na dapat itatapon
yaong pinagtamnan ng buto sa buong maghapon

oo, magsasaka sa lungsod ang aking kapara
sa aspaltadong lungsod ako'y nagtanim-tanim na

- gregoriovbituinjr.

#urbanfarming #pagtatanimsalungsod #magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila #pagtatanimsaopisinasapasig

Mga binhi ng sili

Mga binhi ng sili

noon nga'y bumili pa ako ng binhi ng sili
kung saan sa tindahan ito pa'y nakapakete
itinanim ko sa plastik na paso't pinaparami
dahil sa pandemya, nagtanim-tanim na rin dine

dahil nananahan sa sementadong kalunsuran
kung saan walang malaking espasyong pagtatamnan
sa mga boteng plastik ng softdrink na walang laman
napiling magtanim, sansakong lupa'y bibilhin lang

ngayon, di na ako bumili ng nakapakete
ginamit na'y mga tuyo't napabayaang sili
kinuha ang binhi, tinanim, nagkaroong silbi
wala pang plastik na sa kalikasan ay salbahe

nang magkapandemya'y naging magsasaka sa lungsod
magtanim sa boteng plastik na'y itinataguyod
pag namunga'y may pakinabang at nakalulugod
bakasakaling maibenta sa munti mang kayod

- gregoriovbituinjr.

#urbanfarming #pagtatanimsalungsod #magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila #pagtatanimsaopisinasapasig

Ang payo

mag-ingat lagi sa mga gubat mong papasukin
anang isang kasama, pinayo niya sa akin
pag-oorganisa't propaganda'y iyong masterin
nang kayanin ang mga daratal na suliranin

tulad ng chess ay aralin mo ang pasikut-sikot
anong tamang sulong, anong basa mo't iyong sagot
ituring mong isang puzzle, at labanan ang takot
bagong sitwasyon, bagong sistema, masalimuot

gumapang man ang dahongpalay sa iyong katawan
mahulog man sa hukay o ikaw ay magulungan
maging listo sa panganib na di mo mapigilan
magpakatatag, tiyaking malinaw ang isipan

sa welga, makinarya'y huwag hayaang ilabas
obrero'y pagkaisahin laban sa mararahas
pakatandaan, anumang problema'y malulutas
ituring mong gubat mo ang gubat na nilalandas

- gregoriovbituinjr.