Biyernes, Abril 7, 2023

Ang tugma at di tugma sa tula

ANG TUGMA AT DI TUGMA SA TULA

di tugma ang dugo at berdugo
pati paso ng rosas at baso
di rin tugma ang buo at buko
kumain man ng taho ang tao

magkatugma ang dugo at paso
ng rosas, maging buo at taho
tugma ang naglaho mong pagsuyo
pati ang dungo mong kalaguyo

di katugma ng madla ang masa
pati na balita ng bisita
kaibhan dapat halata mo na
upang di lumuha at magdusa

kung tila ampalaya ang mukha
batirin bakit di ito tugma
ang kaibhan nga'y alaming sadya
isa'y may impit, ang isa'y wala

iba ang binibini at binhi
magkatugma ang hari at pari
iba ang guniguni sa mithi
tugma rin ang ihi mong mapanghi

tugma ang diskarte sa babae
di tugma ang lahi sa salbahe
sa tugmaang tinalakay dine
nawa'y batid mo na ang mensahe

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Abril 7 - World Health Day

ABRIL 7 - WORLD HEALTH DAY

tuwing Ikapito ng Abril ay Pandaigdigang
Araw ng Kalusugan, batid mo ba, kaibigan?
isang paalala lamang, kahit di ipagdiwang
pagkat patungkol sa kalusugan ng mamamayan

kumusta ka na, kaibigan, wala ka bang sakit
o kung may nararamdaman ay tumatayong pilit
iniisip na malakas kahit dinadalahit
ng ubo, o kaya'y may sakit din ang mga paslit

kung di ipinagdiriwang ay anong dapat gawin
upang kalusugan ng kapwa ay alalahanin
anong mga paalala ba ang dapat sabihin?
upang manatiling malusog ang pamilya natin?

walong basong tubig araw-araw ang inumin mo
magsuot ng bota pag sa baha'y lulusong kayo
ang leptospirosis ay talagang iwasan ninyo
pag naulanan, magpalit ng damit, baro, sando

ayos lang, kaibigan, kung maraming paalala
ika nga nila, prevention is better than cure, di ba 
kaya sa payo ng matatanda ay makinig ka
para sa kabutihan mo rin ang sinabi nila

kaya ngayong World Health Day, atin namang pagnilayan
ang samutsaring pandemyang ating pinagdaanan
pati mga mahal na inagaw ng kamatayan
at pakinggan ang nadarama't bulong ng katawan

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Pagninilay ngayong semana santa

PAGNINILAY NGAYONG SEMANA SANTA

nagninilay ngayong semana santa
ano bang kaugnayan ko sa masa?
bakit ba dukha'y inoorganisa?
babaguhin ba'y bulok na sistema?

ako'y lagi mang laman ng lansangan
ay matatag yaring paninindigan
inaalam bawat isyu ng bayan
bakasakaling makatulong naman

ramdam ang kalbaryo ng maralita
dinemolis, tahanan na'y nawala
kawawa ang mga babae't bata
karapatan pa'y binabalewala

parang ipinako muli si Hesus
mga dukha'y pinahirapang lubos
kailan ba sila makakaraos
kung di nagkakaisa't magsikilos

kayrami pa ring obrerong kontraktwal
at di magawang sila'y maregular
habang bundat na bundat ang kapital
sa ganitong sistema ba'y tatagal

patuloy pa rin akong nagninilay
sa semana santa'y di mapalagay
kung lipunang makatao ang pakay
ay dapat tayong kumilos na tunay

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Pagsasalin ng akda

PAGSASALIN NG AKDA

isa kong piniling tungkulin
sa buhay ko'y ang pagsasalin
mula Ingles sa wika natin
na talaga kong adhikain

upang higit na maunawa
ng madla ang akdang dakila
na likha ng mga banyaga
hinggil sa samutsaring paksa

tiya-tiyaga sa ganito
pag natapos ay isalibro
ito ang magiging ambag ko
sa panitikang Filipino

misyong ito'y di pampalipas
oras lang kundi sadyang watas
tungkulin itong nag-aatas
tutupdin ito't di aatras

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Kayganda ng umaga

KAYGANDA NG UMAGA

kayganda ng umaga, sinta
lalo na pag kasama kita
aliwalas ang nakikita
at ligaya ang nadarama

punong-puno ng pagmamahal
kahit ramdam ay napapagal
ngunit di naman hinihingal
kaya naritong walang angal

bagamat umaga'y kayginaw
iinit pag nikat ng araw
pag ikaw ang aking natanaw
yaring puso ko'y nagsasayaw

umagang ito'y salubungin
nang may magandang adhikain

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Huwag mong itatanong sa akin

HUWAG MONG ITATANONG SA AKIN

huwag mong itatanong sa akin 
kung ako ba'y walang ginagawa
dahil araw-gabi'y may gawain
na marapat kong tapusing sadya

pag natapos na'y may madaragdag
na naman, ayokong mabakante
doon lang ako napapanatag
pag may gawaing puno ng siste

pagtatrabaho, gawaing bahay
magluto, maglaba, maglampaso
pagkatha ng tula, pagninilay
pagsusulat ng maikling kwento

mag-organisa ng maralita
lumahok sa rali sa lansangan
pag-alam sa isyu ng paggawa
pananaliksik sa kasaysayan

kumilos sa climate emergency
at ikampanya ito sa masa
mag-ehersisyo, pamamalengke
pag-ihi't tulog lang ang pahinga

huwag itanong sa aking pilit
kung ako ba'y walang ginagawa
kundi pwede ba itong isingit
upang kapwa tayo may mapala

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Aritmetik

ARITMETIK

mapanghamon ang ayos ng Aritmetik
kaya sa pagsagot nito'y masasabik
pag-iisipin ka sa namumutiktik
na tanong na lulutasing walang tumpik

isang ayos lang ang madaling nasagot
pang-apat na tanong na kaibang hugot
sa pito pa'y di basta makaharurot
dahil pag-iisipan ang tamang sagot

kaya mapanghamon ang ayos ng pito
baka magkamali pag di sineryoso
tutugma dapat sa suma at produkto
ang sinagot mong integer o numero

tara, Aritmetik ay ating sagutan
at madarama mo rin ay kasiyahan

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

* Ang palaisipang Aritmetik ay matatagpuan araw-araw sa pahayagang Pang-Masa, pahina 7.