Huwebes, Mayo 31, 2018

Leila

hanggang ngayon, nagdurusa sa loob ng piitan
ang isang senadorang tagapagtanggol ng bayan
na pinuntirya dahil sa kanyang paninindigan
sa karapatang pantao at matinong lipunan

hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pananalasa
ng isang namumunong nangangamoy diktadura
amoy asupre ang bungangang dragon kung bumuga
isang pusakal na pumapatay ng dukhang masa

siya ang babaeng kinamumuhian ng buhong
sunud-sunod na'y babae ang binira ni Digong
iba'y binastos, pinagmumura ng anong lutong
aba'y utak ng namumuno'y tila ba paurong

palayain ang senadorang piniit ng ulol
na kung anu-anong gawang kaso ang ipinukol
tungkulin niya'y di dapat sa piitan igugol
kundi sa laya magsilbi't kawawa'y ipagtanggol

- gregbituinjr.
- hiniling ng isang kasama na paksa ng tula, nilikha upang bigkasin sa gabi ng paglulunsad ng aklat ni Fr. Robert Reyes matapos ang isang misa sa kampo ng Lamay para sa Demokrasya na ilang araw nang nakakampo sa labas ng Korte Suprema, Mayo 31, 2018