Miyerkules, Oktubre 1, 2025

Baligtarin ang tatsulok

BALIGTARIN ANG TATSULOK

dapat na itong maunawaan
ng mga galit na mamamayan
kaytagal na nating panawagan:
baguhin ang bulok na lipunan!

tatsulok na'y baligtarin ngayon
na panawagang napapanahon
sa pagtindi ng isyung korapsyon
at pagnakaw sa kaban ng nasyon

dapat ipaunawang totoo
ano ba ang tatsulok na ito
nasa tuktok, mayayamang tuso,
dinastiya, burgesya, negosyo

mga api ang nasa ibabâ
inapak-apakang maralitâ,
pinagsamantalahang paggawâ,
pesante, babae, vendor, batà 

dapat baligtarin ang tatsulok 
patalsikin mga trapong bugok
tapusin na ang sistemang bulok
at dukhâ ang ilagay sa tuktok

pang-aapi'y dapat nang magwakas
tahakin natin ang bagong landas
itayo ang lipunang parehas
nakikipagkapwa, pantay, patas

- gregoriovbituinjr.
10.01.2025

* litrato mula sa google

Paliligo sa hot spring

PALILIGO SA HOT SPRING

paliligo sa hot spring
ay gawaing magaling
makakatha'y masining
niring diwa kong gising

pinakapahinga ko
sa tambak na trabaho
sa buhay na magulo
ang paliligo rito

ginhawa'y naramdaman
ng pagod kong isipan
ng pagal kong katawan
ng patâ kong kalamnan

anong sarap sumisid
na kayganda sa litid
bawat ginhawang hatid
puso ang nakabatid

- gregoriovbituinjr.
10.01.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/Cs1qWA4Dy3/