Miyerkules, Hulyo 14, 2021

Panghihiram ng tapang sa alak

PANGHIHIRAM NG TAPANG SA ALAK

I

may iba riyang nanghihiram ng tapang sa alak
di makayang lutasin ang problema'y lumalaklak
nagwawala't animo'y inahing putak ng putak
ugali'y nagbabago, apektado pati utak

ayos lang silang mag-ingay, huwag lang mandarahas
na pag nadakip ang nagwawalang kung sinong ungas
ay ikakatwirang alak ang dahilan ng lahat
na di raw niya alam ang nangyari nang magmulat

gago ka, alam mo iyon, sa alak nga nanghiram
ng tapang nang masabi ang laman ng kalooban
kunwari kang di alam, palso ang ganyang katwiran
panagutan mo ang gawang krimeng kunwa'y di alam

II

ako'y bumabarik lang pag di dinalaw ng musa
ng panitik lalo't haraya'y tila nasaid na
sa alak nanghihiram ng haraya, tagay muna
bakasakaling maiusad ang tangan kong pluma

kaya kung anu-anong paksa na lang ang nasulat
basta bawat araw may isang tulang mapanggulat
na sariling punto't palagay ang sinisiwalat
habang may iba pang kathang nais kong may mamulat

paano pag musa'y dumalaw sa makatang lasing?
nasa isip ba ng makata ang makapanyansing?
o tutula siyang kunwari'y nasa toreng garing?
hanggang musa'y umalis nang makata na'y nahimbing

- gregoriovbituinjr.

Kulong ang abusado sa katulong


KULONG ANG ABUSADO SA KATULONG

tao rin ang kasambahay, tao ang kasambahay
tulad ng bawat isa'y may karapatan ding tunay
di sila aliping sagigilid o namamahay
na noong unang panahon ay patakarang taglay

siya'y kapwa tao, anuman ang kulay ng balat,
lahi, kasarian, lahat may karapatan dapat
bayaning Emilio Jacinto nga'y may isinulat
sabi niya, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

sa isang kaso ng pang-aabuso sa katulong
na kinulong ng mag-asawa halos tatlong taon
ang hinatol ng Korte'y apatnapung taong kulong
na sa tindi ng kaso, ito'y binabang desisyon

anong nakain nila't kasambahay ay piniit?
ang mga suspek kaya'y nawalan na rin ng bait?
katulong man ay kapwa, di aliping sagigilid
na buhay nila'y hawak mo't kaya mong itagilid

- gregoriovbituinjr.

* balita mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 13, 2021, pahina 2

Kwentong magyeyelo

KWENTONG MAGYEYELO

nagyeyelo, block, cube
matitigas, cracked, tube
minsan, pakyaw, tingob
lalagyan ay taob

sa trabaho'y subsob
sa pabrikang kulob
sa gawa'y marubdob
biglang nasubasob

nagmagandang loob
ang nars na sumukob
sugat ay nilublob
sa gamot ay suob

kaylakas ng kutob
nang biglang lumusob
sila'y nakubakob
ng mga nanloob

binuksan ang taklob
patda ang lumusob
dahil pulos ice cube
ang laman ng loob

- gregoriovbituinjr.

Kalayaan

KALAYAAN

nais ng bayan ng kalayaan
kalayaan ang nais ng bayan

paglaya ang paksa ng makata
paksa ang paglaya ng makata

laya'y ituro sa estudyante
upang malaya sila paglaki

na paglaya'y mahalagang sadya
sadyang mahalaga ang paglaya

liberty, freedom, independencia
kasarinlan ng bayan at masa

makata'y paglaya ang pinaksa
kaya mananakop ay pinuksa

- gregoriovbituinjr.

Basahin mo ang tula ko

basahin ko
ang tula mo
tulain ko
ang basa mo

basahin mo
ang tula ko
tulain mo
ang basa ko

basain ko
ang tulad mo
tularan ko
ang basa mo

basain mo
ang tulad ko
tularan mo
ang basa ko

- gregoriovbituinjr.