Martes, Abril 1, 2014

April Fools' Day umano ang araw ng mga trapo

APRIL FOOLS' DAY UMANO ANG ARAW NG MGA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may nakalaang araw daw sa mga manloloko
silang laging pangako doon at pangako dito
di nagsisilbi sa bayan, ang serbisyo'y negosyo
April Fools' Day umano ang araw ng mga trapo

"Iboto nyo ako at sabay tayong mangangarap!"
"Iboto nyo ako at aahon kayo sa hirap!"
"Ako'y iboto't bawat isa'y tutulungang ganap!"
ngunit hanggang ngayon, pangako nila’y di malasap

sigaw sa kampanya, iregular ang manggagawa
dapat magkaroon ng pabahay ang maralita
edukasyon para sa mga mahirap na bata
at kalusugan para sa lahat ng matatanda

ngunit kontraktwalisasyon ang pinausong todo
sa dukha'y demolisyon doon, demolisyon dito
edukasyon ay kaymahal lalo sa kolehiyo
mga ospital pa’y nais nilang isapribado

sa iba pang sektor, tambak-tambak pa ang problema
di rin pantay yaong sahod sa Maynila't probinsya
presyo ng kuryente'y pinakamataas sa Asya
kaya maniniwala pa ba tayo sa kanila?

may dakilang araw na ang mga ganid na trapo
kaya tinadtad ng katiwalian ang gobyerno
ngunit dapat nang palitan ang sistemang ganito!
at itayo ang lipunang tunay na makatao!

Nilay sa kasasapitan

NILAY SA KASASAPITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy ang propaganda ko hanggang kamatayan
ngunit pagkamatay ko'y ayaw kong inyong malaman
tanging ang nais ko'y tahimik lang yaong paglisan
kamag-anak lang ang naroon sa pinagburulan

sakali mang mabalita yaong kinasapitan
iyon ay dahil hindi namatay sa karamdaman
sakaling ganito ang ulat: "Makata, Pinaslang"
di ko maaawat kung ito'y malaman ng bayan

nais ko'y sunugin ang aking naiwang katawan
o kaya'y gawin itong pataba sa halamanan
nais kong mamatay nang walang dungis ang pangalan
pagkat nabuhay akong marangal at lumalaban

ayoko ng puntod na may krus, kundi maso lamang
maso pagkat tandang obrero ang pinaglingkuran
masong simbolo ng lakas ng manggagawa't bayan
pagkat, bukod sa pluma, ay maso ang tinanganan

tanging mga tula't ilang akda ang maiiwan
na nawa'y makatulong sa pagsulong ng kilusan
at makatulong din sa pagmulat sa sambayanan
na may bagong lipunang dapat nating paghandaan

maliban sa tula, wala nang silbi sa kilusan
at wala na ring silbi kung walang pagsusulatan
tanging pluma't tula yaong kakampi't kaibigan
mawala man, ang kilusan ay di naman nawalan

Tula sa batilyo

TULA SA BATILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sila'y mga batilyo sa Navotas, manggagawa
tinatrabaho nila'y mga banyera ng isda
batilyo'y mula sa salitang "batel" ng Kastila
"batel" na maliit na bangka nitong mangingisda

manggagawa sa "batel" ay tinawag na batilyo
at sa daungan ng Navotas ay kayrami nito
batilyo'y kaysipag, di man regular na obrero
mga dukhang nagtitiis sa karampot na sweldo

hirap man sa buhay, kailangang buto'y banatin
upang kumita ng konti, basta may ipangkain
pag may dumaong ay agad nilang tatrabahuhin
handa na yaong banyerang kanilang gagamitin

mula sa payaw o bangka patungo sa daungan
ang banye-banyerang isda'y hihilahing tuluyan
o kaya'y bubuhatin ng payat nilang katawan
karaniwang nakabotang dadalhin sa pondohan

bangus, turay, karpa, gulyasan, tilapya, galunggong
sari-saring isda't lamang dagat, tulad ng hipon
sa iba't ibang palengke ibinabagsak iyon
mula sa isda nagawa ang patis at bagoong

ang mga batilyo sa Navotas ay sawang-sawa
kung araw-gabi, inuulam nila'y pulos isda
nakakasawa ring yaong sahod nila'y kaybaba
tila di pumantay sa kanilang lakas-paggawa

bukas ang Navotas Fish Port maghapon at magdamag
banye-banyerang isda'y naroon at nakatambak
animo'y buong bayan kayang pakaining ganap
ngunit isda'y may presyo, di libre sa mahihirap

tone-toneladang isda ang binabagsak doon
tila kaunlaran ng masang di na magugutom
ngunit bakit batilyo’y dukha pa rin hanggang ngayon
kung may kaunlarang ang lahat ay kayang lumamon

walumpung porsyento ng isda, ayon sa balita,
sa Kalakhang Maynila ay sa Navotas nagmula
walang tulog ang Fish Port, habang isda’y laksa-laksa
batilyo'y salitan, hikab, idlip, bangon, paggawa

mabuhay ang mga batilyo, may isda ang masa
pati mangingisdang mga huli'y banye-banyera
mula riyan ang pangkain, panggastos, matrikula
diyan ninyo binuhay ang mahal ninyong pamilya