Biyernes, Mayo 3, 2024

Ang kamatayan, ayon kay Shakespeare

ANG KAMATAYAN, AYON KAY SHAKESPEARE
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Ilang ulit na ring namamatay
ang mga duwag bago mamatay.
Habang minsan lamang makatikim
ng kamatayan yaong magiting.
Sa lahat ng aking napakinggan
ay kaiba ang katatakutan,
Na kamatayan ay mamamalas
pag kailangan na'y pagwawakas
Kamatayang susulpot sa atin
at darating kung ito'y darating.

-Julius Caesar (Akto Ikalawa [Senaryo II])

Ang orihinal na nasa Ingles:

Cowards die many times before their deaths;
The valiant never taste of death but once.
Of all the wonders that I yet have heard,
It seems to me most strange that men should fear,
Seeing that death, a necessary end,
Will come when it will come.

-Julius Caesar (Act Two [Scene II])

Lasenggero at lasenggo

LASENGGERO AT LASENGGO

anang ulat, kaybabata pa'y naging lasenggero
habang sa isang kolum, kaybabata ng lasenggo
ang nagsulat sa una sa wari ko'y Manilenyo
ang wika sa kolum ay lalawiganing totoo

kapwa salitang Tagalog subalit magkaiba
lasenggero't lasenggo'y pabata at pabata na
bagamat ulat ay nakababahala talaga
pagkat sa murang edad ay nagbabarik na sila

iba ang Tagalog-probinsya't Tagalog Maynila
sa lasenggero't lasenggo'y kita na nating sadya
bakit manginginom ay pabata na ng pabata
problema ba ng mga kabataa'y lumalala

ang isyung ito'y dapat tugunan at solusyunan
bago pa lumala't lumikha pa ng kaguluhan
ang lasenggero't lasenggo'y iba ang kaisipan
nawawala sa huwisyo pag nalangong tuluyan

* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 2, 2024, pahina 2 at sa pahayagang Bulgar, Mayo 3, 2024, pahina 3

Pandesal at tsaa

PANDESAL AT TSAA

agahan ko'y pandesal at tsaa
tara, tayo'y mag-almusal muna
bago pumasok sa opisina
o di kaya'y bago mangalsada

dapat laging may karga ang tiyan
upang di manghina ang katawan
dapat palakasin ang kalamnan
upang di mahilo sa labasan

habang patuloy sa pagninilay
ng paksa sa kabila ng lumbay
kayrami pang dapat isalaysay
at isulat na isyu't palagay

madalas, almusal ko'y ganito
at ako'y tatagal nang totoo
marami nang paksa't kuro-kuro
at masusulat na tula't kwento

- gregoriovbituinjr.
05.03.2024

Pagkilala sa literatura

PAGKILALA SA LITERATURA

limang pahina sa pesbuk ang kumilala
sa inyong lingkod na umano'y palabasa
hinggil sa mga paksa sa literatura
larang itong pinagbubutihang talaga

pagkat panitikan na'y bahagi ng buhay
pagkat nagsusulat tuwina ng sanaysay
pagkat pagkatha ng kwento'y pinaghuhusay
pagkat sa balana tula ang aking tulay

pagkilala man itong walang sertipiko
pagkilala'y mahalaga na ring totoo
limang pahinang marahil ay pinindot ko
kaya napabilang ako sa buong linggo

gayunpaman, taospusong pasasalamat
inspirasyon ito upang sadyang magsikap
patuloy na kumatha, lumikha, magsulat
tagumpay man sa larangang ito'y kay-ilap

- gregoriovbituinjr.
05.03.2024