Martes, Nobyembre 16, 2010

Ang Puso

ANG PUSO
ni greg

lumilipad ang puso
kung saan-saang dako
lalo na't ang pagsuyo
ay hindi naglalaho

kapag matibay ang puso
di kailanman susuko
daanan man ng siphayo
di luluhod ni tutungo

Sa pansamantalang paglisan mo

SA PANSAMANTALANG PAGLISAN MO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

malayo ka man para ka ring malapit
pagkat sa puso ikaw na'y nakaukit
pangalan mo lagi itong sinasambit
marahil puso natin nga'y magkadikit

hihintayin ko ang pagbalik mo, sinta
mula sa paglisan mong pansamantala
upang gampanan ang gawain sa masa
malao't madali'y tayo'y magkikita

ingat lagi saan ka man naroroon
nananatili kang aking inspirasyon
tuloy pa tayo sa pagrerebolusyon
hanggang tagumpay ay makamit paglaon

parang namatay akong pansamantala
muling mabubuhay pag nagbalik ka na

para kay Ms. M.