Lunes, Mayo 11, 2020

Bihirang magkape

bihira pa rin akong magkape, tulad ng dati
nagtitipid ng panggastos kaya di nagkakape
maliban kung may mag-alok sa pulong at nagsabi
ngunit di na magkakape kung ako pa'y bibili

lalo ngayong kwarantina, si misis ay mahilig
magkape kaya napapakape rin ang makisig
dapat nang magtipid ngayong panahon ng ligalig
kaya nagkakasya na lang sa mainit na tubig

kung sanay kang magkape, umaga, tanghali, hapon
gabi, di na ito basta-basta magawa ngayon
walang sahod, walang pambili, at walang limayon
buhay-lockdown na ito, tipid-tipid pag naglaon

masarap namang magkape lalo't kapeng barako
nagpapaaraw sa umaga't nageehersisyo
subalit sa panahong ang sitwasyon ay ganito
may dahilang maging kuripot, nasa lockdowan tayo

- gregbituinjr.

Patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan

patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan
kaylakas ng tikatik, aba'y nagraragasaan
animo'y may demolisyon, yero'y nag-aangasan
habang nage-ekobrik ay patuloy sa paggampan

matagal maggupit, daliri rin ay nangangalay
dapat din, loob ng plastik ay malinisang tunay
punasan ng basahan o banlawan at isampay
walang latak ng pagkain ang plastik na ginutay

mga ginupit ay ipapasok sa boteng plastik
dapat malinis upang walang mikrobyong sumiksik
dapat di rin basa, patpat na kahoy ang paniksik
gagawing sintigas ng bato ang bawat ekobrik

habang kwarantina, sa page-ekobrik tumutok
doon ililibing ang plastik na di nabubulok
mai-ekobrik din kaya ang mga trapong bugok
dahil mga plastik din itong nakasusulasok

- gregbituinjr.

Ngitngit ng kalikasan

kanina'y tirik ang araw, subalit nagbabadya
ang pagbuhos ng malakas na ulan, biglang-bigla
sa yerong bubong tila bato'y nagbagsakang lubha
sa nangingitim na ulap ay biglang kumawala

ibinuhos na ng kalikasan ang kanyang ngitngit
lalo't usok ng coal-fired power plants ay abot-langit
nang mapuno ng plastik ang dagat, nakakagalit
kalikasan ay nagwala't sa lupa gumigitgit

tuwang-tuwa naman ang magsasaka't nadiligan
ang mga tanim niyang nilinang sa kabukiran
habang animo'y basurahan ang mga lansangan
nagbaha pagkat sa kanal, plastik na'y nagbarahan

biktima ng ngitngit ng kalikasan ay tayo rin
batas ng kapaligiran ay alamin at sundin
huwag mo nang dumihan kung di mo kayang linisin
kalikasan ay buhay kaya alagaan natin

- gregbituinjr.