Martes, Mayo 11, 2021

Pagkakape

PAGKAKAPE

una kong tikim ng kapeng barako'y sa Batangas
sa nayon ni Ama, na umagang-umaga'y lunas
sa panimdim o anumang nadamang alingasngas
pakiramdam mo'y gagaan, dama'y maaliwalas

di na bago sa akin ang barakong Liberica
nang kinasal na'y nakatikim naman ng Robusta
naiiba rin ang aroma ng kapeng Excelsa
natikman ko rin sa wakas ang kapeng Arabica

kailangan din ang paminsan-minsang pagkakape
lalo't kayraming trabahong tinatapos sa gabi
madaling araw na'y di makatulog, nagmumuni
magkakape hanggang mapapikit na lang sa tabi

kape nga ba'y maganda sa ating pangangatawan?
o huwag araw-arawin ang pagkakapeng iyan?
pampagising daw ang kape lalo't napupuyatan
upang trabaho'y matapos ng walang alinlangan

sa kape'y magigising ang diwa, di ka tutulog
subalit mata ko naman ay talagang lulubog
kung di lang dahil sa trabaho't ramdam na ang antok
ako'y tutulog na upang di tuluyang malugmok

- gregoriovbituinjr.

Pagtitig sa babae't daigdig

"A poet looks at the world the way a man looks at a woman." ~ Wallace Stevens

sinabi ni Wallace Stevens ay aking narinig
tinitingnan daw ng makata ang ating daigdig
tulad ng lalaki sa babae kung makatitig
tulad din ng makatang sa diwata'y umiibig

kaya marahil kami ni misis ay magkatuwang
sa iba't ibang isyu hinggil sa kapaligiran
magkasama sa pangangalaga ng kalikasan
mula sa ekobrik at iba pang isyu ng bayan

ang laot ay nalulunod na sa mga basura
na dapat linisin upang bukas ay may biyaya
dapat nga bang maganda sa mata ang kapareha
tulad ng mundong dapat pangalagaan tuwina

paano tatanggalin ang naglulutangang plastik
microplastic na'y kinain ng isdang humihibik
at kakainin natin ang isda, kahindik-hindik
kaya kami ni misis sa ganito'y umiimik

mag-ekobrik, magyosibrik, gumawa ng paraan
upang alagaan ang iisa nating tahanan
ang ating daigdig ay huwag gawing basurahan
tulad din sa babaeng anong rikit kung titigan

nais naming mabuo'y daigdig na makatao
na karapatang pantao'y sadyang nirerespeto
lahat ay nakikipagkapwa't nagpapakatao
tulad ng babaeng marikit, kayganda ng mundo

- gregoriovbituinjr.

Pagkatha

patuloy ang ating paglikha
ng kahit isang daang tula
upang anumang nasa diwa
ay maibabahaging kusa

kahit anong lungkot o lumbay 
ang sa pag-iisa'y nanilay
buo pa rin naman ang tulay
sa lunas sa problemang taglay

sumukob sa punong malilim
baka may ginhawang makimkim
dinaanan man ay madilim
na idinulot ay panimdim

bawat pahina'y may numero
titik man ang marami rito
sa tag nakalagay ang presyo
kung magkano ang pangregalo

isang daan at isang likha
ay maaari mang magawa
subalit mahalagang sadya
na nakakagawa ng tama

di mo man makitang madalas
saanmang gubat ay may ahas
pakinggan mo ang mga anas
baka ikaw ay makalampas

ang pagkatha'y tunay na sining
may inaakda kahit himbing
at kung wala sa toreng garing
sa masa'y may silbing magaling

isulat lamang ng isulat
anumang nais isiwalat
at kung kailangang bumanat
ay gawin kung ito'y marapat

- gregoriovbituinjr.

Di pa matatapos ang paggawa ng ekobrik

DI PA MATATAPOS ANG PAGGAWA NG EKOBRIK

muling nakatipon ng mga ginupit na plastik
sa panahon ng pandemya'y di nagpatumpik-tumpik
kaysa walang ginagawa't mata'y biglang tumirik
mabuting magpatuloy sa paggawa ng ekobrik

napupuno na kasi ng plastik ang karagatan
ang buong daigdig na'y ginagawang basurahan
sa laot, upos, plastik at basura'y naglutangan
ito ba ang pamana natin sa kinabukasan?

nag-eekobrik sa ibang bansa'y marami na rin
nauunawaan din nila anong suliranin
batid na lugmok na sa plastik ang daigdig natin
kaya ito, mga plastik ay gugupit-gupitin

plastik ay isusuksok sa loob ng boteng plastik
magpasok ng magpasok at magsiksik ng magsiksik
hanggang sa pag pinindot mo'y kaytigas nang parang brick
gawing lamesa't upuan ang nagawang ekobrik

nag-aambag nang pilit munti man ang ginagawa
bakasakaling sa kalikasan ay mangalaga
sa pamamagitan ng pag-eekobrik ng kusa
pagkat mundong ginawang basura'y kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.

Bangketa

BANGKETA

minsan ang nadaanan ko'y malinis na bangketa
marahil dahil sa init kaya walang nagtinda
marahil kaya walang nagtinda'y tinaboy sila
wala na bang karapatang buhayin ang pamilya

malinis ang bangketa dahil masipag magwalis
ang mga metro aide kahit sa init nagpapawis
maliit man ang sweldo't bagang nila'y nagtatagis
ay wala pa silang magawa kundi ang magtiis

buti't may munting puno kahit paano'y malilim
nakakapahinga sa panahon ng paninimdim
kahit walang mga bulaklak doong masisimsim
sa ilalim ng puno'y nagninilay ng malalim

sabi: doon ka sa bangketa, huwag sa kalsada
na madalas makita sa luntiang karatula
subalit sa bangketa, pinagbawal nang magtinda
kung ganito'y dapat tulungan yaong manininda

gawan sila ng makataong mapagtitindahan
kung bawal sa bangketa'y sa mataong pamilihan
tandaang sila'y kapwa din nating may karapatan
tulong nila'y sa pamilya, ekonomya't lipunan

- gregoriovbituinjr.