Martes, Oktubre 7, 2025

Magwawakas din ang Nakbâ

MAGWAWAKAS DIN ANG NAKBÂ

mulâ ilog hanggang dagat
lalaya rin ang Palestine
gagapiing walang puknat
ang mga hudyong salarin

magwawakas din ang Nakbâ
mananakop ay iigtad
at magiging isang bansâ
silang malaya't maunlad

kaya nakiisa ako
sa pakikibaka nila
narito't taas-kamao
upang sila'y lumaya na

- gregoriovbituinjr.
10.07.2025

* Nakbâ - sa Arabiko ay catastrophe o malaking kapahamakan

Sino bang modelo sa katha kong tulâ?

SINO BANG MODELO SA KATHA KONG TULA?

sino bang modelo sa katha kong tulâ?
gayong pwede rin namang talagang walâ
minsan, pakikiusapan mo ang madlâ
kung pwede ba silang litratuhang sadyâ

madalas din namang bantulot ang masa
sa rali, malilitratuhan talaga
pag ayaw makuhanan, bakit nandyan ka?
lalo't maraming kamera at masmidya

pag may kinunang may plakard, aba'y gusto
pag ayaw, makata na lang ang modelo
na sa pagtula mismo'y nakalitrato
kaysa maghanap pa ng kung sino-sino

pagkat di na pipilitin ang sarili
"hoy, ikaw muna'y maging modelo rini"
sa litkuran o background na sinasabi
upang agad maparating ang mensahe

walang magawa kundi makata na lang
upang yaring tula ay may katibayan
na pag binasa, totoo pala naman
yaong sa tula'y isinasalarawan

- gregoriovbituinjr.
10.07.2025

Resign All!

RESIGN ALL!

iyan ang tindig namin - Resign All!
bulsa ng korap nga'y bumubukol
dinastiya pa'y pinagtatanggol
ng mga kurakot sa flood control

lahat ng korap, dapat managot
korapsyon nila'y katakot-takot
mag-resign na ang lahat ng sangkot
parusahan lahat ng kurakot 

kaya huwag na tayong bumoto
sa walang mapagpiliang trapo
pulos kinatawan ng negosyo,
oligarkiya't burgesyang tuso

pinaglaruan ang mamamayan
sa kalunsuran at lalawigan
ibinulsa ng mga kawatan
ang pondong nakalaan sa bayan

kaya mag-resign na silang lahat
RESIGN ALL! ang sigaw nami't sumbat
gobyerno na'y mapanglaw na gubat
serbisyo'y ninenegosyong sukat

- gregoriovbituinjr.
10.07.2025

Panagimpan

PANAGIMPAN

madaling araw, ako'y nagising
mula sa mahabang pagkahimbing
tila ba may kung anong parating
bumalikwas sa pagkagupiling

ginising ako ng mga hiyaw
ng taumbayang nagsipalahaw:
"ikulong ang mga magnanakaw!"
sa kanila, ako'y nakisigaw

sa korapsyon, tao'y nililipol
ng mga trapo sa ghost flood control
putik ang sa mukha'y kinulapol
ng mga kurakot na masahol

sa hayop, dukha'y pinipilipit
masa'y hustisya ang ginigiit
ay, totoo ang kanilang galit
sa banig tumayo akong pilit

sa aking budhi, ako'y sumumpâ
sasamahan ko ang api't dukhâ
sa kanilang pakay na dakilà
palitan ang sistemang kuhilà

- gregoriovbituinjr.
10.07.2025