Martes, Hulyo 23, 2024

Bagyo

BAGYO

dinig ko ang tikatik sa atip
bumabagyo, agad kong nalirip
sa harap ng bahay nag-iisip
na kung anu-ano'y nahahagip

nadarama ko'y matinding unos
ang rumaragasa't umuulos
malalaking patak ay natalos
kong gumuhit sa daan nang lubos

isa'y nag-abang ng masasakyan
kahit batid ang lakas ng ulan
baka papuntang pinapasukan
upang makapagtrabaho naman

at natighaw ang uhaw ng lupa
napawi ang katigangang sadya
sa ulap ako'y napatingala
sa bawat unos ay may paghupa

- gregoriovbituinjr.
07.23.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/514070264296902

Pagpupugay sa pagwawagayway

PAGPUPUGAY SA PAGWAWAGAYWAY

isang karangalang mabidyuhan
ang pagwawagayway ng bandila
ng samutsaring mga samahan,
ng guro, obrero, masa, dukha

na ginawan ko ng pagpupugay
at tulang makabagbag-damdamin
sumusuot sa kalamnang taglay
at yaring puso'y papag-alabin

binanggit ng tagapagsalita
sa rali yaong mga pangalan
ng mga samahang ang adhika
itayo'y makataong lipunan

sa kanila, mabuhay! MABUHAY!
iyan ang tangi kong masasabi
taaskamao pong pagpupugay
sapagkat sa masa'y nagsisilbi

mabuhay kayo, mga kasama!
kayong tunay naming inspirasyon
para sa karapatan, hustisya
at lipunan nating nilalayon

- gregoriovbituinjr.
07.23.2024

* bidyong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.22.2024

^ ang bidyo ay mapapanood sa: https://www.facebook.com/reel/1143756510213675

Nang umulan sa SONA

NANG UMULAN SA SONA

Sa SONA ay kaylakas ng ulan
Kaya raliyista'y naulanan
Mga pulis ba'y takot sa ulan?
At nauna sa masisilungan?
O ito lang ay napaghandaan?
Serve and protect ba'y talagang ganyan?
Sarili'y unang poprotektahan?
Pinrotektahan laban sa ulan...

- gregoriovbituinjr.
07.23.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Commonwealth sa rali sa ikatlong SONA ni BBM, Hulyo 22, 2024