Sabado, Hulyo 17, 2010

Huwad ang Himala ng mga Bathala

HUWAD ANG HIMALA NG MGA BATHALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilang beses nang nangangako ang mga bathala
sasagipin daw nila sa kahirapan ang madla
iaahon daw sa putik ang mga hampaslupa
lalagutin daw ang tanikala ng manggagawa
kaya sa mga bathala'y maraming tuwang-tuwa

saanmang sulok magawi, sila'y namamanata
sa kampanyahan nangangakong wala nang kawawa
sa mga entablado, pangako'y wala nang dukha
sigaw sa mga lansangan, di na kayo luluha
upang mahalal, ang pangako'y himala't ginhawa

mga bathala nang nasa trono na'y tuwang-tuwa
ngunit may tanong sa sarili ang mga bathala
bakit itataas pa ang sahod ng manggagawa
bakit ipagtatayo ng bahay ang mga dukha
bakit magsasaka'y magkakaroon pa ng lupa

bakit sa ospital dapat libre ang maralita
bakit libre na ang edukasyon ng mga bata
sa mga isyung ito bathala'y natutulala
walang tubo't lugi na sila pag nagkawanggawa
mga bathala pala'y kapitalistang kuhila

di kataka-takang huwad ang kanilang himala
inilulubog nila sa kahirapan ang madla
inilulublob sa putik ang mga hampaslupa
pinakikintab lang nila ang gintong tanikala
kaya himala ng mga bathala'y pawang sumpa