Linggo, Agosto 4, 2019

Huwag kang mandaya

“I would prefer even to fail with honor than win by cheating.” ~ Sophocles

parating muli ang pagsusulit sa paaralan
parating muli ang halalan at magbobotohan
upang makapasa'y mandadaya't magkokopyahan
upang manalo ang manok, mandaraya na naman

gagawa ng paraan upang sila'y makapasa
imbes na magsunog ng kilay o magrebyu sila
katabi'y kakalabitin upang makapangopya
o nakasulat na sa munting papel ang pormula

maliit lang ang sweldo'y nag-aagawan sa pwesto
kongresista, senador, pangulo'y magkanong sweldo
anong prinsipyo ito't sa pwesto'y nagkakagulo?
kapag ba nakapwesto, may proteksyon ang negosyo?

mabuti nang mabigong ang pagkatao'y may dangal
kaysa mandaya't manalong dangal mo'y nasa kanal
mabuting magsikap, magtagumpay sa pagpapagal
kaysa manalong sarili'y tinulad sa pusakal

- gregbituinjr.
* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2019, p. 20

Maralita raw ang nagdudumi sa mga ilog

maralita raw ang nagdudumi sa mga ilog
ilog raw ay sa mga basura pinalulubog
papayag ka bang maralita'y diyan mapabantog
pagkat walang disiplina't laging patulog-tulog

lagi nilang pinagbibintangan ang maralita
sanhi raw sila ng pagdumi ng ilog, pagbaha
mangmang daw kasi't walang pakialam itong dukha
silang madaling masisi, iba man ang maygawa

O, maralita, payag ka bang laging sinisisi?
ikaw lang kasi ang nakita nilang bulnerable
madaling sisihin pagkat buhay mo'y miserable
dukha'y mababa raw ang pagkatao't walang silbi

bumangon ka, maralita, tirisin ang gahaman
lumaban ka, dukha't inyong baguhin ang lipunan

- gregbituinjr.

Mga Lider-Maralita

MGA LIDER-MARALITA

mga lider-maralita'y dapat maging matatag
nang di makimi sa demolisyon, bagkus pumalag
mga pandarahas sa kanila'y dapat mabunyag
ang mawalan ng bahay ay isdang pupusag-pusag

kayhirap kung dukha'y isdang mawawalan ng hasang
dahil ba maralita'y basta na lang tinotokhang?
dahil ba sila'y dukha, ang tingin agad ay mangmang?
dahil ba mahirap, madali silang nalilinlang?

magkaisa, magtulungan laban sa demolisyon
walang mang-iiwan, magtatag ng organisasyon
bawat isa'y mag-usap at makipag-negosasyon
ipagtagumpay ang laban hanggang sa relokasyon

pampublikong pabahay, maralita'y nais ito
pabahay ay karapatan, huwag gawing negosyo
ang dapat mangasiwa ng pabahay ay gobyerno
dukha'y uupa lang ayon sa kakayahan nito

dapat matatag ang mga lider ng maralita
sila'y makipagkaisa sa uring manggagawa
kalunus-lunos man ang lagay, di dapat lumuha
sila'y tumindig nang sa lipunang ito'y lumaya

- gregbituinjr.
* Nilikha sa pulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider (National Council of Leaders) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na naganap noong Agosto 2-4, 2019