LUGAW MAN ANG AMING KINAKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
lugaw man ang aming kinakain
kahirapan ay di namin krimen
mga dukha man kami't patpatin
kami'y huwag ninyong aapihin
mahirap man, dukha'y may pangarap
tapusin na iyang pagpapanggap
di sapat ang limos at paglingap
dapat lipuna'y baguhing ganap
nais naming ang mundo'y mabago
na bawat isa'y nirerespeto
di dahil sa salapi't habag mo
kundi dahil sila'y tao, tao
panahon nang lumaya sa dusa
palitan ang bulok na sistema
organisahin natin ang masa
at sa pagbabago'y magkaisa
ang buhay man ng dukha'y mapanglaw
di krimen ang kumain ng lugaw
sisikat din sa amin ang araw
upang dukha'y di na maliligaw