Sabado, Setyembre 19, 2009

Tao'y Mahalin, Huwag Gamitin

TAO'Y MAHALIN, HUWAG GAMITIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mahalin ang tao, at hindi ang bagay
itong dapat maging panuntunang tunay
na sa araw-araw maging ating gabay
nang maging maayos itong ating buhay

gamitin ang bagay, at hindi ang tao
itong nararapat na maging prinsipyo
ng taong marangal, nagpapakatao
kaya huwag tayong pagamit sa trapo

may mga taong mas mahal pa ang bagay
yaman sa kanila'y ligaya nang tunay
akala'y narito ang bawat tagumpay
manggagamit sila kahit makamatay

ganyan yaong asta nitong pulitiko
masa'y gagamitin para lang maboto
gagamitin nila kahit sinong tao
at babayaran pa basta lang manalo

pag ang minahal mo'y pawang bagay lamang
ang puso mo'y puno niyang kasakiman
ang namamayani ay kapalaluan
pakikipagkapwa'y nawalang tuluyan

habang yaong dukha'y nagsasakripisyo
laging namumulot ng kung anu-ano
titipunin saka ibebenta ito
nang may maibili ng lugaw o goto

kahit dukha'y hindi mapagsamantala
pagkat dangal na lang yaong natitira
na kanilang laging katwiran sa kapwa
pag puriý kinanti ay lalaban sila

sadyang dapat nating mahalin ang kapwa
upang ating mundo'y tuluyang gumanda
wala ang alitan, magkasundo sila
kaya mundong ito'y magiging masaya