Martes, Agosto 17, 2021

Munting piging sa ika-27

MUNTING PIGING SA IKA-27

tulad ng pagbaka sa naglilipanang halimaw 
silang sa dugo ng mga tao'y uhaw na uhaw
paslang dito, tokhang doon, pulos bala't balaraw
ang pinantugis sa masa't inosenteng pumanaw

at ako'y nakiisa sa mga inang lumuha
pagkat di pa handang mga anak nila'y mawala
gayundin naman, may mangangalakal na kuhila
na pinagsamantalahan ang dukha't manggagawa

nakiisa ako sa naghahanap ng hustisya
sumama ako sa bawat nilang pakikibaka
hanggang sa ako'y sumumpang aking idadambana
ang karapatang pantao't kagalingan ng masa

balang araw, itayo ang lipunang makatao
habang yakap-yakap ang mapagpalayang prinsipyo
"Iisa ang pagkatao ng lahat!" ni Jacinto
tangan ang pakikipagkapwa't pagpapakatao

tanda ko ang petsang iyon, kaya pinagdiriwang
munting piging, tagay, pulutan, kahit mag-isa lang 
ang maging kasama sa pagbabaka'y karangalan
isang tagay para sa akin, ah, isang tagay lang

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

minsang sumakay ako sa dyip ay may paalala
sa gitna ng mga pasahero'y nakasulat na
hinggil sa social distancing na dapat mong mabasa
pulos tagubilin dahil panahon ng pandemya

tsuper o may-ari ng dyip, maganda ang naisip
kaya sa paglalakbay, ingat-ingat ang kalakip
yugto sa buhay na huwag kainisan, sa halip
social distancing pa rin sakaling sasakay ng dyip 

upang mga pasahero'y iwas magkahawaan
upang irespeto natin ang bawat karapatan
sa kalusugan at kapakanan ng mamamayan
kaya senaryo sa dyip ay aking nilitratuhan

upang magpasalamat at magbigay pagpupugay
sa mga nakaisip niyon, anong gandang pakay
may paki sa kapwa, busilak na puso ang taglay
salamat sa tsuper at may-ari ng dyip, mabuhay

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* litratong kuha ng makatang gala nang minsang sumakay ng dyip puntang Quiapo

Magboluntaryo para sa Ilog Pasig

MAGBOLUNTARYO PARA SA ILOG PASIG

kaytagal ko nang nais gawin ang isang mithiin
upang makatulong sa kalikasang nabibikig
sa dami ng basura, nawa'y ito'y magawa rin
magboluntaryo sa paglilinis ng Ilog Pasig

kahit na kalahating araw lang sa isang linggo
ay magboluntaryo sa organisasyon o grupo
halimbawa'y apat na oras lang tuwing Sabado

upang hindi lang sa teorya ako may magawa
kundi hands-on na aktwal na pagkilos ang malikha
na sa paglilinis ng ilog ay kasamang sadya

ang Ilog Pasig ang commitment ko sa World River Run
upang linisin ang ilog na ito't alagaan
salita'y sumpa, anang Kartilya ng Katipunan
kaya sinalita ko'y dapat bigyang katuparan

sertipiko'y aking natanggap sa partisipasyon
sa World River Run na nakapagbigay inspirasyon
upang magboluntaryo sa isang hamon at misyon

hindi ba't pagboboluntaryong ito'y anong ganda
na para sa kalikasan ay may magagawa ka
sa paglilinis ng ilog ay magiging kasama

kailangan ko ngayong gawin ay sila'y hanapin
at sabihin sa kanila ang aking adhikain
hindi man pultaym ay maging bahagi ng gawain
sa misyong ito sana ako'y kanilang tanggapin

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* Ang World River Run ay isang pandaigdigang Virtual Running Event na naganap mula Hunyo 3-5, 2021. Natanggap naman ng makata ang kanyang sertipiko sa email noong Hunyo 9, 2021.

Pagdalo sa rali

PAGDALO SA RALI

ang pagdalo sa rali'y dahil sa paninindigan
na aking niyakap sapul nang nasa paaralan
noong maging staffwriter pa lang ng pahayagan
magtatatlong dekada na rin ang nakararaan

sa rali'y umaasam ng lipunang makatao
inilalabas ang saloobin sa mga isyu
hindi lang pulos batikos doon, batikos dito
ang rali'y pakikibaka ng mga prinsipyado

ang kongkretong sitwasyon ay kongkretong sinusuri
naniniwalang walang burgesyang dapat maghari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
ng mga gamit sa produksyon, dapat walang uri

pagsama ko sa rali'y kusang loob at tanggap ko
ito'y ekspresyon din ng dignidad at pagkatao
pakikiisa rin sa laban ng dukha't obrero
at sa mga pinagsasamantalahang totoo

hindi libangan ang rali, ito'y pakikibaka
hindi pasyalan ang rali, ito'y pakikiisa
rali'y pananawagan ng panlipunang hustisya
rali'y pagsasatinig ng mga isyu ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* litrato'y selfie ng makatang gala noong SONA 2021

Pukot

PUKOT

pukot pala'y kayrami
samutsari ang klase

ito'y uri ng lambat
sa ilalim ng dagat

sadyang mahahalaga
sa mamamalakaya

na hinuhuli man din
ay isdang makakain

anumang lamang dagat
mula sa tubig-alat

may pukot panulingan
at may pukot alangan

mayroong pukot dalag
at may pukot barimbaw

mayroong pukot tangsi
at may pukot panggabi

iba ang pukot gilid
kaysa pukot panggilid

mayroong pukot laot
na anong laking pukot

mahahalagang pawa
sa mga mangingisda

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* halaw sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p. 1016

Babaeng may plakard

BABAENG MAY PLAKARD

kumpara sa Miss Universe, mas seksi silang tingnan
oo, silang mga babaeng may plakard na tangan
babaeng tibak na may prinsipyo't paninindigan
mas may bayag pa kaysa iba, matapang, palaban

iba'y di ko kilala ngunit kaylakas ng dating 
parang naalimpungatan ako sa pagkahimbing
sasaluduhan mong sadya ang kanilang pagiging
tibak tulad ng babaeng bayani't magigiting

na sa totoo lang, ganyan ang hinanap ko noon
lalo't sila'y tibak na nagbigay ng inspirasyon
upang patuloy na kumilos noon hanggang ngayon
kaysarap bigyan ng tula ang mga mutyang iyon

inasawa ko ma'y di matikas na aktibista
ngunit sa gawaing pangkalikasan ay kasama
habang di pa rin maalis ang paghanga tuwina
sa mga babaeng may plakard, kahali-halina

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* litrato mula sa google