Sabado, Hulyo 30, 2011

Panaghoy ng Punungkahoy


PANAGHOY NG PUNUNGKAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsang kaylakas ng ihip ng hangin
habang mag-isa akong naninimdim
ang langit ay sinapol ko ng tingin
ang tanghaling tapat biglang nagdilim

hanggang marinig ko'y isang panaghoy
na tulad ng isang batang palaboy
pinakinggan ko yaong nginunguyngoy
nanaghoy pala'y isang punungkahoy

di na sumisilong ang mga ibon
pagkat lagas ang kanyang mga dahon
pinagpuputol pa ng mga maton
ang kanyang sanga't ginawang panggatong

panaghoy niya'y aking pinakinggan:
"mga bunga ko kahit bubot pa lang
pinipitas na't pinagtutubuan
imbes ito'y pahinuging tuluyan"

"kapatid na puno'y pinagsisibak
kita mong balat nila'y nagnanaknak
kalbo ng kagubatan ay kaylawak
sadya bang tao'y ganito ang balak"

"kaming puno'y marunong ding manimdim
galit namin sa tao'y kinikimkim
ni hindi man lamang sila magtanim
ng bagong punong ang handog ay lilim"

"kami'y inyong proteksyon sa pagbaha
na sumisipsip ng tubig sa lupa
kakampi nyo sa tag-araw at sigwa
kaya simulan nyo na ang magpunla"

"paghandaan ang anumang delubyo
mga puno'y agad itanim ninyo
nang may pananggalang kayo sa bagyo
sana, pakinggan nyo ang aking samo"