Sabado, Agosto 14, 2021

Paghigop ng sabaw

PAGHIGOP NG SABAW

matapos kunan ng dugo'y bumili ng halaan
upang siya kong iluto't maging pananghalian
na sinahugan ng talbos, sibuyas, luya't bawang 
ayos na ang buto-buto, anong sarap ng ulam

dinamihan ng tubig at nagsabaw ng di labis
katamtaman lang, habang nilulutong walang mintis 
nilagyan man ng asin, sabaw ay manamis-namis
sapat lang sa kalusugan ng katawang manipis

tama lang pala ito matapos kunan ng dugo
kaya humigop muna ng sabaw bago sumubo
habang kumakain ng halaan ay napagtanto
na saanman ang labanan ay di dapat sumuko

parang nasa digmaan ang kanina'y paghahanda
nasa parang ng digmaang hinanda'y puso't diwa
matapos kunan ng dugo, sabaw yaong tinungga
tila medalya ng tagumpay ang natamong pala

- gregoriovbituinjr.
08.14.2021

Pagkatha't pagkain

PAGKATHA'T PAGKAIN

pinuna nila ako sa napapansin sa akin
inuuna ko raw ang pagkatha kaysa pagkain
mag-almusal o mananghalian muna'y unahin
buti't nagpaalala, ramdam ko'y gutom na nga rin

napapansin ko ring gawain ko na sa altanghap
o almusal, tanghalian, hapunan, ang pagsiyap
ng tiyan, pagkatha'y inuna, tila nasa ulap
bagamat iwing buhay na ito'y aandap-andap

aba'y kumain muna, paalala sa sarili
baka tuluyan kang mamayat ay di mapakali
pagkat napakahirap kung sa gutom ay sakbibi
kahit pagala-gala ang musa sa guniguni

salamat sa mga nakapuna't nagpaalala
at naramdaman ko ang inyong pagpapahalaga

- gregoriovbituinjr.
08.14.2021

Gwardyang nagpipintura

GWARDYANG NAGPIPINTURA

aba'y nakapakasipag nitong natanaw kong gwardya
nakauniporme siya ngunit nagpipintura
may simbolong medik, may alam din sa emerhensya
aba'y all around siya't malaking tulong sa masa

pinipuntaraha'y giya sa paparadang sasakyan
ambulansya man, motorsiklo, kotse, o kaya'y van
kulay dilaw na raya sa gilid ng pagamutan
kung saan kinunan ng dugo't aming pinuntahan

bagamat tama lang na ang giya'y maging malinaw
ang lumalabong kulay ay pinatungan ng dilaw
malinaw iyon sa paparada kaysa mapusyaw
madaling magdisiplina kaysa sila'y sumigaw

saludo ako sa gwardyang pati iyon ginawa
na kung suriin, di iyon ang trabahong tinakda
di lang siya bantay sa ospital, mapagkalinga
pinatunayan niyang siya'y isang manggagawa

- gregoriovbituinjr.
08.14.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa pinuntahang ospital bago sila magpakuha ng dugo ng ilang kasama

Paghahanda upang kunan ng dugo

PAGHAHANDA UPANG KUNAN NG DUGO

madaling araw pa lamang ay nagising na ako
upang paghandaan ang dapat puntahang totoo
dahil kasama'y kailangan ng apat na tao
magbibigay ng dugo para sa asawa nito

aalmusaling tuyo ay inihanda ko agad
at pinrito sa kawali ang isdang di maalat
kamatis at sibuyas naman ay aking ginayat
nilagyan ng toyo, aba'y almusal na kaysarap

mahirap kasing magutom doon sa pupuntahan
at mahirap umalis nang walang laman ang tiyan
baka mahal pa ang kakainin sa pagamutan
mabuting nakahanda sa kakaharaping laban

wala kang almusal, tapos kukunan ka ng dugo
baka mahilo ka'y maging dahilan ng siphayo
aral: paghandaan ang anuman, huwag yuyuko
upang magtagal sa labanan at di sumusuko

parang paghahanda laban sa bulok na sistema
kumusta na ang asam na panlipunang hustisya?
mga api ba'y patuloy pa ring nakikibaka?
dapat laging handa ang tulad naming aktibista

- gregoriovbituinjr.
08.14.2021