Sabado, Nobyembre 16, 2013

Kartilya ng Mabuting Loob

KARTILYA NG MABUTING LOOB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pawang kasapi sila / ng bunying Katipunan
na gabay ang Kartilya, / mabuting kalooban
buhay na di ginugol / sa banal na dahilan
kahoy na walang lilim, / buhay na sayang lamang.

kung pawang pansarili / yaong nasasaloob
di pakikipagkapwa / sa puso'y nakalukob
paano na ang iba / kung ang nakakubakob
sariling ginhawa lang / ang sa kanya'y marubdob.

Kartilya'y mahalaga, / gabay sa pagkatao
sadyang Katwiran yaong / nangungusap sa iyo
ipagtanggol ang api, / kapwa'y paglingkuran mo
at sa lahat ay dapat / pantay-pantay ang trato.

ang kabanalang tunay / ay pagkakawanggawa
lalo pang mahalaga'y / ang pag-ibig sa kapwa
at sa taong may hiya, / salita'y panunumpa
ang loob ay linisin / nang di maging kuhila.

naghihimagsik tayo / laban sa kasamaan
at ipinaglalaban / ang talagang Katwiran
dapat taglayin nati'y / mabuting kalooban
upang di mapahamak / ang kapwa, uri't bayan.

namnamin nating buo / yaring Kartilyang ito
bilang gabay ng ating / buhay at pagkatao
kung tamaan man kita / ng problema't delubyo
ay nakatindig pa rin / tayo nang taas-noo.