Huwebes, Setyembre 10, 2015

Ang bag na karton

ANG BAG NA KARTON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

taghirap ang buhay, walang pambili ng bag
nagkasya lang sa karton ang batang masipag
upang makapag-aral at maging matatag
ang kinabukasan nang di maging lagalag
at sa salot ng lipunan ay di dumagdag

sa hirap ng buhay ay naging malikhain
gamit muna'y karton imbes na bag ay bilhin
pambili ng bag ay mabigat na pasanin
kung anong nasa paligid muna'y gamitin
pag buhay na'y umalwan, bilhin ang naisin

naghihirap man sa buhay, bag lang ay karton
ngunit ayaw niyang sa hirap ay mabaon
hinarap ang hirap at tinanggap ang hamon
pagsisikapan ang pag-asang edukasyon
mag-aaral nang mabuti’t nang makaahon

sa ngayon, pamilya man niya'y naghihirap
sa mura niyang isip, siya'y magsisikap
upang umunlad at abutin ang pangarap
pag-asang magandang bukas ay mahagilap
nang maalwang buhay ay kanilang malasap