Miyerkules, Oktubre 10, 2018

Ang bago kong tibuyô

ANG BAGO KONG TIBUYÔ

nais kong muli ang mag-ipon sa tibuyô
kaya maraming barya'y muling binubunô
sa isang boteng plastik aking binubuô
puntiryang isang buwan lang ito'y mapunô

sadyang napakahalaga ng pag-iipon
barya-barya man, may malaking matitipon
mga anak ay matuturuan pa ngayon
gawin ang dapat sa harap ng bagong hamon

nagtataasan na ang presyo ng bilihin
kung walang pera'y paano makakakain
lalo sa lungsod kahit paso'y walang tanim
magpapalamon ka na lang ba sa panimdim

sa tingin man ng iba, ito'y gawang hamak
aba'y mag-ipon na't huwag putak ng putak
simula lamang ang paunti-unting patak
makakaani ka rin sa iyong nilagak

- gregbituinjr.
* ang "tibuyô" ay tagalog-Batangas sa salitang Kastilang "alkansya"