Sabado, Mayo 8, 2021

Buwisan ang mga bilyonaryo, di manggagawa

BUWISAN ANG MGA BILYONARYO, DI MANGGAGAWA

mabigat man ang hiling subalit makatuturan
lalo na't ibabahagi ang yaman sa lipunan
ang panawagan: mga bilyonaryo ang buwisan!
di ang manggagawa, buwisan na ang mayayaman!

tama lang dahil bilyonaryo ang may sobra-sobra
kayraming pag-aari, kaylakas nilang kumita
kung dukha ang buwisan, anong ibibigay nila
kundi pawis at dugo, ngunit bilyonaryo'y pera

ngayon, value added tax o VAT ay dose porsyento
para sa biniling pangangailanga't produkto
pantay na buwis sa binibili ng bilyonaryo
pandaraya ngang ito'y talagang sagad sa buto

oo, ang manggagawa'y kinukulang nga sa sahod
kaya di yumaman, kahit kaysipag sa pagkayod
habang pamilyang naghihirap ay tinataguyod
bilyonaryo'y sa tubo't pag-aari nakatanghod

yumaman ang maraming kapitalistang kuhila
dahil piniga ng piniga ang lakas-paggawa
ng manggagawa, na pinagsamantalahang sadya
yumaman sila sa pagdurusa ng manggagawa

makatarungan lang ang hibik ng mga obrero
na dapat lamang buwisan ang mga bilyonaryo
may sobra-sobrang yaman, may pag-aaring pribado
muli, isigaw: Buwisan ang mga bilyonaryo!

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Araw ng Paggawa 2021

Ang mga kumag

ANG MGA KUMAG

bata pa ako nang salitang kumag ay marinig
sa mga eskinita't kanto, ito'y bumambibig
salitang pabalbal hinggil sa mga inuusig
na tambay o tawag sa mga dukhang maligalig

nandyan na naman ang mga kumag, ang sabi nila
kaasar naman, parang tinig na nagpoprotesta
bulagsak, hampaslupa, haragan, tinik sa masa
aba'y kapwa tao rin ang mga kumag, bakit ba

masikap rin naman ang mga kilala kong kumag
kung bibigyan lamang ng pagkakataong umunlad
ngunit ang paligid, pulos sugal, babae't alak
kaya paano magbabago ang buhay ng kumag

may kumag na nagdamo, nagdroga, at natulala
tambay na lang hanggang sariling buhay ay nasira
may kakilala akong kumag na nangibang-bansa
nagsikap, nag-ipon, umunlad bilang manggagawa

mabuhay ang mga kumag na sadyang nagsumikap
napaunlad ang pamilya, naabot ang pangarap
kung may pagkakataon lang sa kanila'y mangusap
maaalpasan din nila ang nakagisnang hirap

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 642

Sa daigdig ng mga bubog

may sariling daigdig akong di basta matanaw
ng mga kumag na sa alak lang nagsisigalaw
ramdam ko ang init sa pagitan ng maginaw
habang nakakapagsulat sa ilalim ng araw

napapag-usap ko sa pabula ang mga langgam
habang hantik ay nakikipaghuntahan sa guyam
minsan, sa mga pabulang nalilikha'y nang-uuyam
at natutulala sa suliraning di maparam

nakatitig sa kawalan o kaya'y sa kisame
nakatunganga subalit nagtatrabaho kami
tinatawid ang pusalian kahit gabing-gabi
upang dinadaing ng masa'y kanilang masabi

minsan nga'y nagkasugat nang makaapak ng bubog
dahil sa binasag na bote ng mga nambugbog
sa kapwa lasing kaya baranggay ay nabulabog
nang tao'y maglabasan nang may sumigaw ng "Sunog!"

marami silang kwentong muli kong ikinukwento
upang mabatid ng madla kung anong nasa pulso
ng mga kumag sa mga eskinita't pasilyo
ng mumunting palasyo sa iskwater na magulo

at mabatid na sila rin ay may mga pangarap
upang umunlad sa buhay at alpasan ang hirap
sinusulat ko ang buhay nilang aandap-andap
na nagsisikap kamtin ang kaunlarang kay-ilap

- gregoriovbituinjr.

Tuyo man ang ulam

TUYO MAN ANG ULAM

laksa-laksa ang nasa isip, gutom na'y di pansin
nagsasalimbayan na ang paksang dapat nilayin
gayunman, huwag pa ring kalilimutang kumain
kahit tuyo ang ulam ay nakakaraos na rin
mahalaga'y may naiulam, huwag lang gutumin

anong hirap kung ang ating sikmura'y kumakalam
animo laksang suliranin ay di napaparam
pag nagutom ang isa, sasamâ ang pakiramdam
lalo't walang mabilhan ng gusto mong karne o ham
ngunit dapat ibsan ang gutom, tuyo man ang ulam

ramdam din natin ang pandemyang nakakatulala
nakakulong man sa bahay, kayraming ginagawa
habang nababalitaang kayraming nagluluksa
dahil sa pandemya, mahal sa buhay ay nawala
tahimik na naghihinagpis at tigib ng luha

tuyo ang pakiramdam kong dapat pa ring kumilos
upang makatuturang layon ay magawang lubos
huwag lang pabayaan ang katawan kahit kapos
ingatan ang kalusugan upang di manggipuspos
tuyo man ang ulam, ang araw ay nairaraos

- gregoriovbituinjr.

Magbasa-basa rin pag may panahon ka

dapat ding magbasa-basa sa gitna man ng ilang
habang laksang paksa yaong pumapailanglang
naisipan mang magturo ng tula sa tigulang
bilang ng pantig sa taludtod ay huwag magkulang

di pa nababasa ang mga aklat na binili
dahil sa ganda ng paksa'y di na nag-atubili
binili kahit gipit, collection item na kasi
nang mawaksi na rin ang pagtunganga sa kisame

sa pagbabasa'y matututo rin tayong magsulat
kaya basahin ang literaturang nasa aklat
pamamaraan din ito upang tayo'y mamulat
sa mga teknik ng ibang makata't manunulat

tula ng makatang tagaibang bansa'y basahin
pati na sanaysay at nobela nilang sulatin
sa kultura kayo'y parang nagbahaginan na rin
anumang bagong matutunan ay pakaisipin

sa pagbabasa'y para din tayong nakapaglakbay
ibang kontinente animo'y napuntahang tunay
hinahasa pati nalalaman tulad ng panday
malayo'y malapit din, dama man ay tuwa't lumbay

tara, tayo'y magbasa-basa, huwag magsasawa
maging interesado sa paksa't iba pang akda
maging iyon man ay nobela, sanaysay, balita
maraming dagdag-kaalaman tayong mahihita

- gregoriovbituinjr.

Dinggin ang panawagan ng manggagawa

DINGGIN ANG PANAWAGAN NG MANGGAGAWA

panawagan ng mga obrero'y ating pakinggan
sama-samang iparating sa kinauukulan
salot na kontraktwalisasyon ay dapat wakasan
at dapat nang itigil ang malawakang tanggalan

magandang pagkakataon na sa kapitalista
ang pandemya kaya may pagbabago sa pabrika
di pinapasok ang regular, pulos kontraktwal na
at malawakang tanggalan ang pinairal nila

kapitalistang ideya ang kontraktwalisasyon
upang di maging regular ang manggagawa ngayon
upang wasakin din pati karapatang mag-unyon
upang di makaangal ang manggagawa ang layon

pag obrero'y may benepisyo, tubo'y apektado
liliit ang tubo ng kapitalistang sanggano
pag kontraktwal ang manggagawa, walang benepisyo
pati security of tenure nila'y apektado

ahensyang walang silbi sa masa'y dapat buwagin
dahil paninira't pananakot lang ang gawain
ahensyang bilyun-bilyong ang pondong dapat tanggalin
upang maging ayuda sa masa, na tamang gawin

dapat magkapitbisig ang hukbong mapagpalaya
durugin ang sistemang bulok ng mga kuhila
dapat nang maitayo ang lipunang manggagawa
upang pang-aapi't pagsasamantala'y mawala

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa rali ng Araw ng Paggawa 2021