Sabado, Marso 21, 2015

Ang Panghilagpos

ANG PANGHILAGPOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

yari iyon sa malapad na piraso ng balat
o kaya'y telang nakakabit sa dalawang tali
dito'y inilalagay ang isang batong makinis
o kaya'y batong kasinlaki ng isang dalandan
paiikutin ito sa taas ng kanyang ulo
saka naman niya bibitiwan ang isang tali
at hihilagpos ang bato ng pagkalakas-lakas
sa sinumang puntirya'y kaytindi kung makasapol
panghilagpos na sandatang ginamit noong una
na siyang nagpatumba sa higanteng si Gulayat.

Pagkabayubay sa tulos

PAGKABAYUBAY SA TULOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

binabali ang binti ng mga kriminal
na nakabayubay sa pahirapang tulos
pinabibilis daw nito ang kamatayan
ng nagkasalang dorobong animo'y palos

tulad nila'y doon sa tulos ipinako
kanilang kamay at paang nakabayubay
bibitin ang buong bigat nila sa pako
at daranasin yaong kaytinding pag-aray

upang makahinga, katawa'y iaangat
sa pamamagitan ng nakapakong paa
ngunit pag buto sa binti'y binaling sukat
di nila maaangat ang katawan nila

kaya dugo'y di na dadaloy sa katawan
dahil di na makahinga'y mamamatay na lang