Miyerkules, Oktubre 22, 2025

Minimum Wage sa mambabatas, Living Wage sa manggagawa

MINIMUM WAGE SA MAMBABATAS, LIVING WAGE SA MANGGAGAWA

saludo kina Eli San Fernando at Renee Co
sa panawagang minimum wage na sa solon sweldo
tunay silang lingkod bayan ng karaniwang tao
sa kanila'y nagpupugay akong taaskamao!

kayang mabuhay sa minimum wage ng mambabatas
kahit sa kongreso't senado, bangko'y binubutas
ngunit magsisipag kayâ ang trapong talipandas?
na gawin ay batas na para sa lahat ay patas?

kayang mabuhay sa minimum wage ng kongresista
tongpats o insersyon sa badyet ba'y mawawala na?
o kailangan talagang baguhin ang sistema?
nang mawala na ang pulitikal na dinastiya!

ngunit di sapat ang minimum wage sa manggagawà
lalo't buhayin ang mundo ang tungkuling dakilà
silang gulugod ng ekonomya ng bawat bansâ
ngunit sila pang manggagawà ang nagdaralitâ

kayâ sigaw ng manggagawà ay SAHOD ITAAS!
ay di pa dahil wala sa minimum wage ang sahod
kundi mas mataas sa minimum wage ay maabot
kayâ LIVING WAGE ang sinisigaw nilang madalas

iyang LIVING WAGE nga'y nakasulat sa Konstitusyon
mawalâ ang political dynasty pa'y naroon
subalit di naman naisabatas hanggang ngayon
ay, iyan pa kayang minimum wage para sa solon?

- gregoriovbituinjr.
10.22.2025

Salamat, Bianca, sa iyong pag-alala


SALAMAT, BIANCA, SA IYONG PAG-ALALA

salamat, Bianca Umali, sa concern mo
doon sa NAIA sa laksang pasahero 
na nakita mong nakaupo lang sa sahig
gayong sementong iyon ay sadyang kaylamig

anya, sana'y may pansamantalang upuan
para sa nanay, lola't batang kababayan
tagos sa buto ko ang kanyang pakiusap
na sana namamahala'y gawin nang ganap

nakapagtatakang di iyon naiisip
ng namamahala, di ba nila nalirip
kung saan uupo ang mga bibiyahe
sana sila'y di manatiling bulag, bingi

silya't gamit ay pansamantalang inalis
upang konstruksyon daw ng NAIA'y bumilis
subalit nasa sahig, naghihintay ng flight
ang mga pasahero't ganyan ang naging plight

salamat, Bianca, sa iyong malasakit
at karapatang pantao'y iyong giniit
pakiusap na sa gitna ng pagbabago
dapat di profit ang tingin sa pasahero

- gregoriovbituinjr.
10.22.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa at Pilipino Star Ngayon, Oktubre 21, 2025

Inuming malunggay

INUMING MALUNGGAY

sampung pisong malunggay
ang binili kong tunay
sa palengkeng malapit
barya man ay maliit

nilagay ko sa baso
at binantuan ito
ng mainit na tubig
na panlaban sa lamig

layunin ko'y lumakas
ang kalamna't tumigas
bisig na matipunô
at sakit ay maglahò

sa malunggay, salamat
dama'y di na mabigat
ang loob ko'y gumaan
pati puso't isipan

- gregoriovbituinjr.
10.22.2025