sakbibi ng lumbay ang karapatang binusalan
di na matanaw ang hustisya pagkat piniringan
kaytalim ng titig sa kandila ng namatayan
animo'y di matahimik ang apoy sa kawalan
bakit karapatan ay nasa loob ng ataul
bakit sa kabila nito madla'y di umuungol
bakit yaong namumuno animo'y asong ulol
tokhang dito, bira doon, ang masa'y naparool
aba'y panahon nang dumilat ang kawawang madla
binibining hustisya'y tila baga lumuluha
di ba matimbang kung sinong mga pinagpapala
habang asong ulol sa sambayana'y nagwawala
dapat mapagtantong karapatan ay sinisiil
at sinong dapat pumigil sa mga mapaniil
nangyayari sa bayan ay laksa-laksang hilahil
dahil sa kagagawan ng idolo nilang sutil
pakikiramay sa laya't karapatang pinatay
hustisya nawa'y kamtin ng nawalan, nalulumbay
magpatuloy tayo sa paglaban, huwag humimlay
tatagan ang pakikibaka't buhay itong alay
- gregbituinjr.