Walang Atrasan
ni Gregorio V. Bituin Jr.
kasama, sa malao’t madali’y
magkukulay pula ang silangan
upang wasakin ang mga talipandas
wala ditong makaiiwas
dapat kang maging handa
sa tunggalian ng uri sa lipunang
binaboy ng mga naghahari-harian
kaya ngayo’y ihanda mo na
ang lakas ng iyong bisig
ang talas ng iyong pakiramdam
ang talim ng iyong utak
ang sugat sa iyong pusong di pa
naghihilom hanggang ngayon
ang tanging hiling lamang sa iyo
sa pagsagupa mo sa unos
ay huwag kang aatras
kapag pumula na ang silangan
nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8.
Miyerkules, Mayo 28, 2008
Itigil ang mga Pamamaslang!
ITIGIL ANG MGA PAMAMASLANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Ayon sa ulat, umaabot na sa mahigit pitundaang progresibo’t aktibista ang napapaslang simula nang maupo si Gng. Gloria Arroyo sa poder. Ang sumusunod na tula’y may labing-isang pantig bawat taludtod.)
Bang! Iyon ang agad na naulinig
Bang! Bang! Ang sumunod nilang narinig
Bang! Bang! Bang! Yaon nga'y nakatutulig
Kagimbal-gimbal at nakayayanig!
Umano’y pitundaan na ang bilang
Ng mga progresibong napapaslang
Tinadtad ng bala ng mga halang
Na alagad nitong sistemang hunghang.
Marami na ang natigmak ng dugo
Pawang binistay, binutas ang bungo
Tayo’y masisindak ba’t madudungo
O ang hustisya’y dadalhin ng punglo?
Sa krimeng ito’y dapat may managot
Maparusahan sinuman ang sangkot
Ngunit ang gawain bang ito’y dulot
Ng gobyernong kilala sa kurakot?
Mga pamamaslang na walang habas
Ay dapat nang matigil at magwakas
Halina’t magkaisa nang mag-aklas
Laban sa sistemang napakarahas!
Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 2, p.8.
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Ayon sa ulat, umaabot na sa mahigit pitundaang progresibo’t aktibista ang napapaslang simula nang maupo si Gng. Gloria Arroyo sa poder. Ang sumusunod na tula’y may labing-isang pantig bawat taludtod.)
Bang! Iyon ang agad na naulinig
Bang! Bang! Ang sumunod nilang narinig
Bang! Bang! Bang! Yaon nga'y nakatutulig
Kagimbal-gimbal at nakayayanig!
Umano’y pitundaan na ang bilang
Ng mga progresibong napapaslang
Tinadtad ng bala ng mga halang
Na alagad nitong sistemang hunghang.
Marami na ang natigmak ng dugo
Pawang binistay, binutas ang bungo
Tayo’y masisindak ba’t madudungo
O ang hustisya’y dadalhin ng punglo?
Sa krimeng ito’y dapat may managot
Maparusahan sinuman ang sangkot
Ngunit ang gawain bang ito’y dulot
Ng gobyernong kilala sa kurakot?
Mga pamamaslang na walang habas
Ay dapat nang matigil at magwakas
Halina’t magkaisa nang mag-aklas
Laban sa sistemang napakarahas!
Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 2, p.8.
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)