Lunes, Marso 27, 2023

Heroes Street

HEROES STREET
(LANSANGAN NG MGA BAYANI)

nasa gilid lang ng Bantayog ng mga Bayani
ang Heroes Street o Lansangan ng mga Bayani
para kang tumapak sa tinapakan ng bayani
bagamat di mo iniisip magpakabayani

di iyon mataong lugar, gayong may tao naman
di tulad ng Monumento doon sa Caloocan
o sa Luneta sa lungsod, ang dating Bagumbayan
gitna ng Centris at Bantayog ang maikling daan

Heroes Street, lansangan ng lumaban sa marsyalo
sa Bantayog ng mga Bayani'y naukit dito
ang ngalan ng mga biktima, desaparesido,
mga bayani noong nakipaglabang totoo

ah, minsan kaya'y dumaan ka rin sa Heroes Street
sa Quezon Avenue M.R.T. station malapit
at damhin ang lugar pati kasaysayang kaypait
na idinulot ng diktadurang tigib ng lupit

- gregoriovbituinjr.
03.27.2023

Babasahin

BABASAHIN

pag may panahon, magbasa-basa ng aklat
lalo't may mga paksang ang mata'y didilat
may kwentong katatakutan, may aklat ng math
may hinggil sa awit, may nobelang panggulat

may aklat na nagtatalakay ng pag-ibig
sa panahon ng digma't kaunti ang kabig
may tungkol sa obrerong nagkakapitbisig
upang itayo ang makataong daigdig

paksang tagos sa puso, may nakagigimbal
nakagawian nang magtungo sa National
Book Store, bata pa'y tinambayang kaytagal
nagkaedad man ngunit di pa hinihingal

imbis pulos pagkain, libro ang bibilhin
pagkat diwa naman ang aking bubusugin
sa kababayang awtor ay suporta na rin
lalo't nalathala sa aklat o magasin

- gregoriovbituinjr.
03.27.2023

LI

LI

agad nakita'y tanong sa matematika
sa krosword na madalas sagutan talaga
palaisipang libangan ko sa tuwina
sa libreng oras ay nagbibigay ng saya

animo ako'y sandali ring natigagal
tila matematika'y bigla bang inaral
addition sa krosword? letra ring numerikal
yaong sagot sa dalawang Roman numeral

iyon ang tanong doong agad kong sinagot
agad sinolusyunan, di nakababagot
buti't gayong tanong ay pinahihintulot
palibhasa'y letra ang numerong kasangkot

nakagawian ko nang dyaryo'y makabili
may Tempo, Ngayon, Pang-Masa, Bulgar, Abante
dahil sa palaisipang kawili-wili
na sasagutan pa rin kahit sobrang busy

kaya bukod sa Aritmetik at Sudoku
minsan sa krosword ay may math na ring totoo
ang utak ay talagang naeehersisyo
na tumatanda man diwa'y di nalulumpo

- gregoriovbituinjr.
03.27.2023

* tanong sa krosword sa 4 pahalang ay Roman numeral na XXVI + XXV na katumbas ay 26 + 25 = 51 o LI