Miyerkules, Abril 1, 2020

Ngayong April Fool's Day

Ngayong April Fool's Day

Nawala na ba ang mga gimik na pagbibiro
Gayong April Fool's Day, manloloko'y tila naglaho
Ah, marahil dahil sa COVID, sila'y nasiphayo
Yamang nasa bahay lang at biro'y di mailako
O nagkasakit, huwag sana, ang mga damuho!

Nawa'y walang magkasakit, April Fool's Day man ngayon
Gawin muna'y mabuti kahit wala pang malamon
Ang pagbibiro namang ito'y may tamang panahon
Para iba'y patawanin at sumaya maghapon
Relaks lang, mayroon pa namang susunod na taon

Ipagpaliban na muna habang nasa quarantine
Lilipas ang April Fool's Day, ang masa'y tatawa rin
Fill in the blanks, ano kayang lunas sa COVID-19
Oo, kailangan ng masa'y mass testing ngayon din
O social distancing muna kung walang gamot pa rin

Ligalig ang bayan, di pa tayo makabungisngis
Sana kung magbibiro'y di birong nakakainis
Dapat muna sa ngayon ay mga birong malinis
April Fool, wala munang lokohan ngayong may krisis
Yamang araw na ito sa iba'y di naman labis

- gregbituinjr.
04.01.2020

Ligalig ngayon ang bayan

ligalig ngayon ang bayan, ang lahat ay balisa
liglig sa dusa lalo't sa bahay ay tambay muna
ligid-ligid lang ang COVID-19, nananalasa
ligtas sana ang bawat isa't kanilang pamilya

ligoy pang mangusap ang ilan na mag-kwarantina
ligaw tuloy ang masa sa kanilang nadarama
ligwak din sa gutom ang masang balisa tuwina
liga'y tumulong sana upang matulungan ang masa

ligo sa umaga, simula ulo hanggang paa
ligamgam ng tubig ay damhin habang kumakanta
ligisin ng todo ang anumang dumi't bakterya
lipit na matapos maligo, kunin na ang twalya

ligtas na pamilya'y tila ba isang pangarap na
ligaw man sa ngayon, nawa'y matapos na ang dusa
ligaya ma'y di dama, sana'y ligtas bawat isa
ligalig na panahon ito'y malampasan sana

- gregbituinjr.

Mula lockdown hanggang sa lock jaw

sabi ng isang kakilala, from lockdown to lock jaw
tila nakuha pang magbiro sa panahong ito
o baka naman dahil sa gutom, siya'y seryoso
lalo't ulam lang niya'y ihaw na tuhog sa kanto

siya'y murang tuhog-tuhog ang nilantakan na rin
dahil nagtitipid sa panahon ng COVID-19
paano kung kalusugan niya'y di patawarin
kung magkasakit siya'y paano patatawirin

dahil diyan, baka lockdown to lock jaw na'y mangyari
huwag naman sana, ngunit di tayo mapakali
di ka sa COVID-19 mamamatay, yaong sabi
kundi sa gutom, SA GUTOM, para kang walang silbi

sana kalagayang ito'y bumalik na sa ayos
pananalasa ng salot ay tuluyang matapos
sana maprotektahan din ang mga dukhang kapos
magkaroon din sila ng pagkain at panustos

- gregbituinjr.