ANG BAYABAS NI JUAN TAMAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
itong si Juan Tamad ay nangangarap bumagsak
ang bayabas sa bibig, ay naku, siya ba'y tunggak?
kaydali namang kunin at ang paraan ay payak
pitasin niya ang bayabas habang umiindak
maaari namang batakin niya yaong buto
mag-unat ng katawan, tuluyang mag-ehersisyo
saka na ang bayabas, magbunot muna ng damo
may panahon ding hihinog ang bayabas na gusto
o siya'y isang tagapagtanggol ng kalikasan
pag bubot pa ang bayabas, dapat munang hayaan
nganganga lang pag hinog na't babagsak nang tuluyan
kung iyon ang diskarte niya, aba'y kainaman!
pag bayabas pa'y hilaw, aba'y magsaging ka muna!
o kaya'y pagtatanim ng kamote'y simulan na
habang di hinog ang bayabas, may tanim kang iba
na makakain mo habang bayabas ay hilaw pa
ang diskarte ba ni Juan ay iyong gagayahin?
o panahon ng taghinog ay iyong hihintayin?
ang kapara mo ba'y pakong dapat pang martilyuhin
upang kumilos at maisagawa ang hangarin?