Huwebes, Oktubre 17, 2024

Pangarap

PANGARAP

masasabi mo bang ako'y walang pangarap
dahil di pagyaman ang nasa aking utak
pag yumaman ka na ba'y tapos na ang hirap?
habang pultaym ako't nakikibakang tibak

hindi pansarili ang pinapangarap ko
kundi panlahat, pangkolektibo, pangmundo
na walang bukod o tinatanging kung sino
kundi matayo ang lipunang makatao

iniisip ko nga, bakit dapat mag-angkin?
ng libo-libong ektaryang mga lupain?
upang sarili'y payamanin? pabundatin?
upang magliwaliw? buhay ay pasarapin?

subalit kung ikaw lang at iyong pamilya
ang sasagana at hihiga ka sa pera
ang pinaghirapan mo'y madadala mo ba?
sa hukay, imbes na magkasilbi sa kapwa?

aba'y inyo na ang inyong mga salapi
kung sa pagyaman mo, iba'y maaaglahi
buti pang matayo'y lipunang makauri
para sa manggagawa pag sila'y nagwagi

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

Tatlong naulat na nagbigti sa loob ng 20 araw

TATLONG NAULAT NA NAGBIGTI SA LOOB NG 20 ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nadagdagan na naman ang nagpakamatay. Subalit ngayon, headline news na. Ibig sabihin, dapat pansinin na ito ng mga kinauukulan. 

Headline sa pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024: Pinagalitan ng ina, 14-ANYOS, ADIK SA ML, NAGBIGTI, PATAY.

Sa loob ng dalawampung araw mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 16 ay may naiulat nang tatlong nagbigti sa pahayagang Bulgar. Sa loob ng wala pang isang buwan ay may anim nang nagpatiwakal. Dalawa ang tumalon sa mataas na gusali at tulay, isa ang nagbaril sa ulo, at tatlo naman ang nagbigti. Bale anim ang biktima (?) na siya ring suspek (?) sa pagpatay.

Bakit naiisip nilang magbigti? O talagang dinamdam nila ang sinasabi sa kanila? Ang nagpapasiya sa kanila ay hindi isip kundi damdaming nasaktan. Ito ngang huli ay 14-anyos na sa ulat ay hindi na natukoy kung lalaki ba o babae. 

Ito ang ulat:

Isang 14-anyos na estudyante ang nagpakamatay sa Mangaldan, Pangasinan makaraang mapagalitan umano ng magulang dahil sa pagkahumaling sa online game na Mobile Legends.

Natuklasan ang biktima ng kanyang ina na nakabigti sa loob ng kanilang banyo, alas-3 ng madaling araw.

Batay sa salaysay ng ina sa mga otoridad, madalas nitong mapagalitan ang anak dahil sa pagkahumaling sa ML dahil napapabayaan na umano nito ang pag-aaral.

Hindi na aniya nagagawa ng biktima ang kanyang assignments kaya madalas na mapagalitan at mapagsabihan.

Hindi naman inakala ng ina na mauuwi sa pagpapakamatay ng anak ang pagsawata sa pagiging adik nito sa online game.

(Ulat ni Mai Ancheta)

Basahin din natin ang dalawa pang ulat ng pagbigti: 

KOLEHIYALA, 'DI NAKA-GRADUATE, NAGBIGTI
mula rin sa Bulgar, Setyenbre 27, 2024, pahina 2

Isang kolehiyala ang nadiskubreng patay at nakabitin sa kanilang silid sa Brgy. Camohaguin, Gumaca, Quezon. Batay sa report, pasado alas-4 ng madaling araw nang bumulaga sa lola ang bangkay ng biktimang si alyas Rose, 23.

Agad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan ang lola nito.

Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito.

Wala namang nakitang foul play sa insidente.

(Ulat ni Levi Gonzales)

TATAY NAGBIGTI, DEDO
Nag-send sa anak ng selfie na may cord sa leeg
mula rin sa pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024, p.2

Patay na nang madiskubre ang 44-anyos na technician makaraang magbigti nitong Sabado ng gabi sa loob ng kanyang kuwarto sa Punta Sta. Ana, Maynila.

... alas-10:30 ng gabi nang madiskubre ni 'Reiner' ang ginawang pagbibigti ng biktimang si 'Edmund'.

Ani 'Reiner', yayayain sana niyang mag-inuman ang biktima nang paglapit sa kuwarto nito ay may masamang amoy dahilan para sumilip sa butas sa dingding at dito nakita ang nakabiting biktima gamit ang electric cord.

Ayon sa 17-anyos na anak ng biktima, nakipag-chat umano sa kanya ang ama noong Oktubre 3 kung saan nagpadala ito ng kanyang larawan na may nakapulupot na electric cord sa leeg at nag-iwan ng mensahe na "Magiging masaya na kayo pag wala na ako."

Binalewala umano ng anak ang mensahe ng ama dahil pangkaraniwan na umano ang ginagawa nitong pagbabanta na siya ay magpapakamatay.

(Ulat ni Mylene Alfonso)

PAGNINILAY

Bakit nais nilang magpatiwakal? Ano ang pumasok sa kanilang utak upang gawin iyon? Aba'y iisa lang ang buhay ng tao subalit bakit hindi nila iyon pinahalagahan? Bakit nagpasya silang magpatiwakal?

Kung susuriin natin ang mga ulat, may ipinagdaramdam sila. Dito sa 14-anyos, ayon sa ina, napapagalitan lagi dahil sa paglalaro ng Mobile Legends. Subalit sapat na ba iyon upang siya'y magpakamatay? Labis bang nasaktan ang kanyang damdamin sa mga sinasabi ng ina?

Ang isa naman, 23-anyos na dalagita ang nagpakamatay, na ayon sa kanyang lola, ay marahil hindi nito matanggap na hindi siya naka-graduate. Bakit nagpasya siyang magpatiwakal, gayong maaari namang sa susunod na taon na siya grumadweyt? Nahihiya ba siya sa kanyang lolang nagpaaral sa kanya subalit hindi siya naka-graduate? O napagalitan din siya ng kanyang lola na kung hindi siya nagpabaya sa kanyang pag-aaral ay kasabay sana siya ng kanyang mga kaklase sa graduation?

Dalawang pagpapatiwakal na marahil ipinagdamdam nila ng labis. Kasama pa ang paninisi sa kanila, o nanunuot sa kaibuturan nila ang mga salita nang pinagagalitan sila?

Ang isa naman ay 44-anyos na tatay na nagbigti gamit ang electrical cord. Marahil nanliliit din siya sa sarili dahil sa hirap ng buhay ay hindi niya mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.

Subalit kakaiba ang isang ito, dahil nag-iwan pa sa anak ng mensaheng "Magiging masaya na kayo pag wala na ako." Marahil, kaya ganoon ay dahil hindi siya pinapansin ng kanyang pamilya o pinagagalitan din ng kanyang mga anak at asawa, kaya ipinagdaramdam niya iyon. Marahil ay napapagalitan din siya ng asawa at mga anak o sinisisi siya sa nangyayari sa kanila. Subalit wala iyon sa ulat.

PAG SINISI KA O PINAGALITAN

Talagang ipagdaramdam natin pag pinagalitan tayo ng nakatatanda sa atin, lalo na't matatalim ang mga slaitang nakasusugat sa ating kalooban. Subalit paano ba natin kinakaya ang kanilang matalisik na pananalita. Lalo na kung tayo'y sisisihin sa mga bahay na hindi natin nagawa, o naging pabaya tayo.

Sa ating Senado, mayroon palang naka-file na Senate Bill No. 1669, o ang tinatawag na Youth Suicide Prevention Act. Marahil, tulad ko, marami na ring naaalarma sa napakaraming kabataang nagpapakamatay.

Pag tiningnan natin ito sa pahina ng Senado sa internet, na nasa kawing na: https://legacy.senate.gov.ph/lis/bill_res.aspx?congress=19&q=SBN-1669 , ang nakasulat sa legislative status ay: Pending in the Committee (1/24/2023). 

Sa pambungad ng batas ay nakasaad doon: "Nearly one in five young Filipinos have considered ending their life, according to findings of a nationwide survey released by the University of the Philippines Population Institute. In 2021, studies showed that almost 1.5 million Filipino youth had suicidal attempt or tendencies. The suicidal rate amongst the youth is alarming in the Philippines considering that the percentage had already doubled from 2013 and 2021. This is a serious concern that needs the intervention of the State. (Halos isa sa limang kabataang Pilipino ang nag-iisip na wakasan ang kanilang buhay, ayon sa isang nationwide survey na inilabas ng University of the Philippines Population Institute. Noong 2021, ayon sa mga pag-aaral, halos 1.5 milyong kabataang Pilipino ang nagtangkang magpakamatay o may tendensyang gawin iyon. Ang rata ng pagpapakamatay sa mga kabataan ay nakakaalarma sa Pilipinas kung isasaalang-alang na ang porsyento ay dumoble na mula 2013 at 2021. Isa itong seryosong usaping nangangailangan ng interbensyon ng Estado.)

Nai-file ito ni Senador Mark Villar noong Enero 12, 2023, at makaraan ang labindalawang araw, ang istatus nito'y naka-pending. Mahigit isa't kalahating taon na palang pending ito, at mukhang hindi napapag-usapan kaya naka-pending.

Mayroon na rin tayong Mental Health Act o Republic Act 11036, na naging batas noong Pebrero 12, 2018. Paano ba makakatulong ang panukalang batas na SB 1669 at batas na RA 11036 upang hindi maisip ng mga kabataan na ang solusyon sa kanilang mga problema ay magpatiwakal?

Ayon sa World Health Organization (WHO), sa kawing na https://www.who.int/health-topics/suicide#tab=tab_1 "More than 720 000 people die by suicide every year. For each suicide, there are an estimated 20 suicide attempts. (Mahigit 720 000 katao ang namatay dahil sa pagpapatiwakal bawat taon. Sa bawat pagpapatiwakal, tinatayang nasa 20 ang pagtatangka).

Sana'y mabigyang pansin ng mga kinauukulan ang nangyayaring ito, at mapag-usapan na rin ang naja-pending na batas hinggil sa Youth Suicide Prevention Act (Batas Upang Mapigilan ang Pagpapatiwakal ng Kabataan).

Gayunman, paano masasabihan ang mga kabataan na iwasang gawin ang magpatiwakal, kung hindi nila kinakaya ang mga ipinagdaramdam nila? Mababatid ba nila na may batas na ganyan?

TATLO ANG NAGBIGTI SA ANIM NA NAGPATIWAKAL

paano ba ang suicide prevention?
isasama ba sa edukasyon?
paano tayo makatutugon?
pag pagpapatiwakal ang tanong

paano pag nagdamdam ang bata?
o kaya'y dalaga o binata?
paano kaya mahahalata?
kung tao'y magpapatiwakal nga?

paano bang di nila maisip?
kamatayan ang makasasagip
na may solusyon pang nalilirip
sa dinaramdam na halukipkip

kaya bago mahuli ang lahat
payong kapatid ay isiwalat
mga kabataan pa'y mamulat
na buhay ay mahalagang sukat

10.17.2024

Alaala - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

ALAALA
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nagkakagulo ang lahat nang inagaw ko 
ang alaala ng Bedouin.
Malamang na ang binatang nakuryente 
habang nagdidilig sa kanyang bukid
ay maging asawa ng sinumang maliit na babae.
Malamang, maging parol sa karimlan 
ang kanyang mga titig 
matapos kargahan iyon ng liwanag.
Sa lahat ng maaaring mangyari'y 
pinagtaksilan ako ng alaala.
Siya ba'y binatang ikakasal 
o naantalang parol o luntiang bukirin?
Ang aking ina'y may ugaling pagparisukatin 
ang bawat detalye sa aking alaala.
Ang binata'y naging bukirin, luntiang parol,
at ang kuryente'y hindi nakarating 
sa aking nayon ni minsan.

- sa Haifa

10.17.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Ang kuting

ANG KUTING

noon ko lang nakita ang kuting
na kinalaro ng aming muning
siya pala ang naririnig ko
ngumiyaw sa ilalim ng awto

kay-ingay niya, ngiyaw ng ngiyaw
at nakita ko itong lumitaw
nakipaglaro sa pusa namin
baka nanghihingi ng pagkain

lalaki itong malaking pusa
batid ko, dahil aming alaga
magkakulay, animo'y mag-ama
si alaga ba'y nakabuntis na?

at ang kuting na iyon ang anak?
saan kaya ito pinanganak?
kumbaga, saan ang kanyang bahay?
upang mapakain silang tunay

palaboy na pusa'y aking misyon
maambunan ng pagkain iyon
tulad ng sinumang nagugutom
ay mapakain at mapainom

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

* nabidyuhan ng makatang gala sa tapat ng bahay
* mapapanood ang nasabing bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vgqMPd4ASS/ 

Tinanggal sa trabaho dahil mataba

TINANGGAL SA TRABAHO DAHIL MATABA

nawalan ng trabaho dahil raw mataba
kawalang respeto ito sa manggagawa
ang nangyari sa kanya'y pambihirang sadya
ang ganyang palakad ay talagang kaysama

PBA courtside reporter daw siya noon
nagtrabaho sa pinangarap niyang iyon
subalit matapos ang sampung laro roon
ay wala na siyang iskedyul nang maglaon

may kinuhang mga reporter na baguhan
na maayos din naman ang pangangatawan
wala siyang isyu sa bago't nagsulputan
nagtaka lang siya nang trabaho'y nawalan

ang mga lalaki, pinupuri pa siya
dahil maayos ang pamamahayag niya
ang babaeng lider sa network, ayaw pala
sa kanya dahil raw sa katabaan niya

ay, nakagugulat ang kanyang pagtatapat
ang nangyaring kaplakstikan ay di marapat
diskriminasyon ito kung titingnang sukat
karapatan bilang manggagawa'y inalat

kaisa mo kami, reporter Ira Pablo
mabuti't malakas ang loob mong magkwento
ipaglaban ang karapatan ng obrero
nang matigil na ang patakarang ganito

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

* PBA - Philippine Basketball Association

Kaibhan ng kapayapaan at katahimikan

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang krosword o palaisipang sinagutan ko, ang tanong sa 10 Pahalang: Kapayapaan. Naisip ko agad, Katahimikan kaya ang sagot? Sa akin kasi, magkaiba ang kapayapaan at katahimikan. Kaya sinagutan ko muna ang iba pa, pahalang at pababa, at nang matapos, ang lumabas ngang sagot ay: Katahimikan. Tila ba sa palaisipang iyon ay magsingkahulugan ang kapayapaan at katahimikan. Ang krosword na iyon ay nasa pahayagang Abante, may petsang Oktubre 16, 2024, at nasa pahina 10.

(Bago iyon, makikita sa 5 Pababa ang sagot na Ahusto, na baka akalain nating Ihusto. Ang ahusto ay mula sa salitang Kastilang ajuste na ang kahulugan ay pag-aayos, pag-aangkop o pagkakama. Mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 21.)

Sa usaping kaibhan ng kapayapaan at katahimikan, sa tingin ko'y para bang pilosopikal na ang kahulugan, na di tulad sa krosword na tingin marahil dito'y pangkaraniwan. Bakit ko naman nasabi?

Marahil, pag payapa ang isang lugar ay tahimik doon at walang pangamba ang mga tao. Subalit paano sa lugar na tahimik nga subalit ang mga tao roon ay balisa? Alerto maya't maya. Nagigising sa munting ingay ng daga o kaluskos ng butiki.

Halimbawa, sa isang lugar ng labanan, pag wala nang labanan o nagkaroon ng tigil-putukan, ramdam ng taumbayan doon ang katahimikan sa kanilang lugar. At tingin ng mga hindi tagaroon ay payapa na sa lugar na iyon. Wala na kasing naririnig na putok.

Subalit magkaiba ang kapayapaan sa katahimikan. Ang katahimikan, sa palagay ko, ay sa tainga, habang ang kapayapaan ay sa puso't diwa. Paano iyon?

Maaari kasing tahimik sa isang lugar, subalit hindi payapa dahil sa malupit na pinuno o diktador na namumuno sa lugar. Tahimik dahil wala kang naririnig na nagbabakbakan o naglalabanan, subalit hindi payapa dahil takot ang mga tao. Tahimik subalit ang kalooban ng tao'y hindi payapa. Walang kapanatagan. Tahimik subalit naghihimagsik ang kalooban.

Halimbawa, noong panahon ng batas-militar, tahimik ang lugar subalit nagrerebelde ang mga tao dahil ang karapatang pantao nila'y nasasagkaan.

Tahimik na kinukuha o dinudukot ang tao subalit ang kamag-anak nila'y hindi payapa. Laging balisa kung saan ba sila makikita. Mga iwinala. Mga desaparesidos.

Tahimik na nirarampa sa ilog ang mga tibak o mga nagtatanggol sa karapatang pantao. Subalit hindi payapa ang kalooban ng mga tao, dahil maaari silang maging biktima rin ng 'salvage' na kagagawan ng mga hindi kilalang rampador.

Tahimik na kumikilos ang mga tropa ng pamahalaan, gayundin ang mga rebelde. Walang ingay na nagpaplano at naghahanda. Magkakabulagaan lang pag nagkita o nagpang-abot. Subalit habang di pa nagkakasagupaan, ramdam ng taumbayan ang katahimikan ng gabi. Subalit ang puso't diwa ng bayan ay hindi matahimik, hangga't hindi pa sumisikat ang araw ng kalayaan. Nais nila'y kapayapaan ng puso't isipan at wala nang iniisip na pangamba sa kanilang buhay.

May katahimikan sa karimlan subalit walang kapayapaan sa kanilang kalooban. Sila'y laging balisa at marahil ay hindi batid ang katiyakan ng kaligtasan ng kanilang pamilya. Madalas, nakaririndi ang katahimikan.

Kaya ang kapayapaan at katahimikan ay sadyang magkaiba. Ang kapayapaan at kapanatagan ang magsingkahulugan dahil ang puso at isip ang payapa at panatag.

Ang mungkahi kong ipalit na tanong sa 10 Pahalang ay: Kawalan ng ingay o gulo.

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN

tahimik ang lugar ngunit di payapa ang tao
subalit dapat walang pangamba ang mga ito
tahimik sila, di makapagsalitang totoo
may mga takot sa dibdib, di makalaban dito

paano ilalahad ang kanilang pagdurusa
pinatahimik na ang ibang myembro ng pamilya
tila pusong halimaw ang namuno sa kanila
anong lupit at sila'y di makatutol talaga

may katahimikan ngunit walang kapayapaan
sinagila ng takot ang puso ng taumbayan
ngunit di dapat laging ganito, dapat lumaban
lalaban sila tungo sa kanilang kalayaan

ayaw nila ng katahimikang nakabibingi
na sa diwa't puso nila'y sadyang nakaririndi
sa panahong iyon, mga nag-aklas ay kayrami
layunin nilang payapang bayan ang mamayani

10.17.2024