Huwebes, Hunyo 26, 2025

Unang pagdalaw sa sinta

UNANG PAGDALAW SA SINTA

matapos ang pasiyam, saka nakapunta
sa puntod ng tanging asawa't sinisinta
at sinunod ko ang tradisyon ng pamilya
dito sa Barlig para sa aking asawa

hinaplos ko ang kanyang puntod at umusal
ng pangungusap na tigib ng pagmamahal
ng pagsasama sa mundong di man matagal
sa problema, sa saya, maging sa ospital

higit pitong taon mula ikasal kami
nag-ibigang walang anumang pagsisisi
kaming tinalaga ng tadhana, ang sabi
kaming nag-ibigan pa rin hanggang sa huli

salamat, Libay, sa kaytamis mong pag-ibig
kahit sa puntod mo'y nais kong iparinig

- gregoriovbituinjr.
06.26.2025

* dumalaw sa puntod ng ika-3:29 ng hapon at umalis doon nang pumatak na ang ulan

Ulap sa anyong wolfo

ULAP SA ANYONG WOLFO

tila ang ulap ay may anyong wolfo
di lobo na aakalaing balloon
napitikan lang ng kamera rito
habang namamahinga bandang hapon

ang taguyod ko'y wikang Filipino
na isa ko nang niyakap na misyon
tulad ng wolfo na pinapauso
upang ibahin sa lobo na balloon

animo'y wolfo ang aking nakita
na anyo ng naroong alapaap
na agad kong kinuhanan talaga
upang sa sining ay itulang ganap

tila wolfo'y nakatitig sa akin
gabayan ba ako'y kanyang tungkulin?

- gregoriovbituinjr.
06.26.2025

Apoy

APOY

nagluluto ba ng inapuy
o niluluto ay sinangrag
napatitig ako sa apoy
nakatulala, di tuminag

nakakatula ng nalirip
na araw-gabing ginagawa
anumang makita't maisip
na isyu't paksa'y kumakatha

karaniwan man ang usapin
o pambihira man ang isyu
agad na iyong ninilayin
nang malikha'y tula o kwento

sinangrag pala ang ininit
na inagahan ko't ininom
sa sarap ako'y napapikit
nag-almusal na rin at gutom

- gregoriovbituinjr.
06.26.2025

* mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19F9gSyAxe/