Lunes, Mayo 27, 2024

Pagkilos laban sa ChaCha

PAGKILOS LABAN SA CHACHA

sa rali ako'y sumama
na panawagan sa masa:
Manggagawa, Magkaisa!
Labanan ang Elitista
at Kapitalistang ChaCha

sa guro'y nakinig ako
sa pagtalakay ng isyu
laban sa ChaCha ng dayo
at ChaCha rin ng Pangulo
na masa ang apektado

guro naming naririyan
ay lider-kababaihan
lider obrerong palaban
lider-dukha, kabataan
lider-tsuper, sambayanan

ang ChaCha'y kasumpa-sumpa
nais ng trapo't kuhila
na ibenta sa banyaga
ng sandaang porsyento nga
ang edukasyon at lupa

trapong sugapa sa tubo
ang sa ChaCha'y namumuno
dapat lang silang masugpo
ang bayan na'y punong-puno
sa mga trapong damuho

- gregoriovbituinjr.
05.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng Senado, Mayo 22, 2024

Pahimakas kay Direk Carlo J. Caparas

PAHIMAKAS KAY CARLO J. CAPARAS

bata pa lang ako'y kilala ko na siya
una'y sa komiks, sunod ay sa pelikula
Totoy Bato ni F.P.J. ay likha niya
Ang Panday hanggang ikaapat na yugto pa

siya nga'y bahagi ng aming kabataan
sa komiks na inaarkila sa tindahan
na sadya namang aming kinagigiliwan
walang pang socmed, komiks na'y aming libangan

basta pag nabalitang Carlo J. Caparas
yaong mga pelikulang ipapalabas
tiyak na iyon ay maaksyon at magilas
tatabo sa takilya, kwento ma'y marahas

mga nagawa mo'y sadyang kahanga-hanga
bagamat sa iyo'y maraming tumuligsa
parangal na National Artist pa'y nawala
nang Korte Suprema ang nagdeklarang sadya

gayunpaman, sa tulad mo ako'y saludo
mula nang makilala ka sa Totoy Bato
pasasalamat ang tanging masasabi ko
pagpupugay sa lahat ng mga ambag mo

- gregoriovbituinjr.
05.27.2024

* mula sa pahayagang Pang-Masa, ika-27 ng Mayo, 2024, pahina 6

Tulog na si alaga

TULOG NA SI ALAGA

si alaga ko'y tulog na
ay, heto't ako'y gising pa
madaling araw na, aba
ay dapat nang magpahinga

nais ko na ring pumikit
tulad ng pusang kaybait
at sa pagtulog mabitbit
ang pangarap na kakabit

bakit nga ba nagsisikap
na abutin ang pangarap
upang di na naghihirap
pagkabigo'y di malasap

ano pa bang inaarok
di pa dalawin ng antok
at mamaya na'y puputok
iyang araw sa ituktok

sabayan na si alaga
at huwag nang tumunganga
mata'y ipikit nang kusa
hanggang makatulog na nga

- gregoriovbituinjr.
05.27.2024

Nilay sa madaling araw

NILAY SA MADALING ARAW

kung bakit di ako makatulog
gayong madaling araw na pala
sa pagbabasa kasi uminog
itong maghapon mula umaga

dapat magbasa ng dokumento
dapat magbasa ng panitikan
babasahin ang nabiling libro
sa kwaderno'y magsusulat naman

isusulat anong naninilay
sa buong maghapon at magdamag
at kakatha ng tula't sanaysay
upang buhay ay di maging hungkag

madaling araw na'y di pa antok
baka gising pa ng alas-sais
mapupuyat, sasakit ang batok
ah, pipikit na lang ng alas-tres

huwag pabayaan ang katawan
ang kabilin-bilinan ni Inay
nasa diwa'y makakatulugan
matapos ang mahaba kong nilay

- gregoriovbituinjr.
05.27.2024