Martes, Abril 19, 2016

Proseso ng batas ay dapat alam natin

PROSESO NG BATAS AY DAPAT ALAM NATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

madalas, binababoy ng mga nakatataas
at ginagamit laban sa maliliit ang batas
para bang mata ng karayom ay kanilang atas
kaya sa batas ang agad nakikita'y ang butas

ngunit proseso ng batas ay dapat nating batid
pag di alam, sa butas nila tayo binubulid
tingin ba nila, dukha'y di kikibo't pawang manhid?
aba'y alamin natin ang batas, mga kapatid

mula sa pagsasampa ng kaso at anong korte
anong kaso, nagsakdal, sinakdal, ang aasiste
gaano katagal, magkanong gastos, ilang gabi
ilang araw, buwan, taon ba'y bibilangin dine

pag may kaso'y handa kayang gumastos sa papeles
dapat mo ring makilala ang hahawak na huwes
kalaban ba'y gaano kayaman, kinikilatis
ang ugali ba'y mapangmata, balat ba'y makinis

aralin anong dapat na batas pati proseso
alamin ang paligid, kaliwa, kanan, diretso
pasikot-sikot ng batas ay dapat maaral mo
paanong dukha'y di talaga maaagrabyado

- kinatha sa QC Memorial Circle matapos ang rali sa harap ng Korte Suprema, Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagdatal ng magsasaka sa Korte Suprema

PAGDATAL NG MAGSASAKA SA KORTE SUPREMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mula simbahan ng Baclaran ay naglakad muli
sa tindi ng sikat ng araw, magtiyaga'y susi
makararating din upang kamtin ang minimithi
para sa sakahan, sa bayan, sa kapwa't sa lahi

tanghaling tapat nang dumatal sa Korte Suprema
sa harapan nito'y nagrali kami't nagprograma
dito'y ibinuhos ang hinaing ng magsasaka
dito'y inilatag ang kanilang dusa't problema

kay-init ng singaw sa kalupaang aspaltado
habang tumatagaktak ang pawis sa mga noo
may mga nakabinbing pala silang kaso dito
hinggil sa lupa nilang dapat tugunang totoo

nawa Korte Suprema na'y dinggin ang kanilang daing
upang hustisya't hanap na ginhawa'y kamtin na rin

- kinatha sa Luneta habang nagpapahinga matapos ang rali sa harap ng Korte Suprema, Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagtulog sa D.A.R.

PAGTULOG SA D.A.R.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa bahaging iyon ng Elliptical Road,
sa gilid ng daan tila hinahagod
ang katawang pata't dama'y pagkapagod
sa pakikibakang di kalugod-lugod

tambutso'y mausok ng nagdaraang dyip
tila ba babahing kapag nakaidlip
hanap ang hustisya habang nililirip
tagumpay nawa'y di hanggang panaginip

sa makipot na daan ay sumisiksik
habang kubol doon nila itinirik
kahit lupa roo'y tunay ngang maputik
nakakatulog di't nagsisipaghilik

layon ng nakikibakang magsasaka'y
pawang sagisag ng pag-asa't hustisya

* kinatha sa DAR ng Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016